Mayang (WAKAS)
Mabilis na lumipas ang mga taon. Pawang naging propesyunal ang tatlong anak nina Jeff at Mayang. Pawang magaganda ang mga trabaho ng mga ito at sa Maynila pawang nakatira—pare-parehong may condo unit. Umuuwi lamang ang mga ito sa Pinamalayan minsan isang buwan para dalawin sina Jeff at Mayang. Hindi nakalilimot ang mga ito sa kanilang mga magulang.
May pagkakataong lumuluwas sa Maynila sina Jeff at Mayang at dun sila sama-sama. Palipat-lipat silang mag-asawa sa condo unit ng tatlong anak.
Hindi maipaliwanag nina Jeff at Mayang ang kaligayahan sapagkat natupad lahat ang kanilang pangarap. Wala na silang mahihiling pa sa Diyos sapagkat ipinagkaloob nang lahat sa kanila.
Kahit mga senior citizen na sila, patuloy pa rin naman ang kanilang paghahanapbuhay. Malakas pa rin ang benta ng kanilang tindahan ng damit sa palengke. Malaki ang nagagawa sa kanilang mag-asawa na mayroong pinagkakaabalahan.
Kapag tapos na silang magtinda sa palengke ay uuwi na silang mag-asawa sa bahay at magkatulong na magluluto ng kanilang kakainin sa hapunan.
Hindi naman nakakalimutan ni Mayang na dalhan ng ulam si Mam Araceli na noon ay mahigit nang 90-anyos. Kapitbahay lang nila si Mam Araceli dahil nabili nito ang lupa’t bahay sa tabi nila. Kasama ni Mam ang isang apo sa pamangkin.
Pagkatapos maghapunan ay magkukuwentuhan sa balkonahe ng kanilang bahay sina Jeff at Mayang. Magkahawak pa sila ng kamay kapag nag-uusap.
“Iba talaga love story natin ano, Mayang?”
“Oo. Kakaiba, Jeff.”
“Sana mahaba pa ang pagsasama natin, Mayang.”
“Oo nga Jeff, sana wala nang wakas.”
(BUKAS ABANGAN ANG BAGONG NOBELANG AANTIG SA INYONG DAMDAMIN SA PANULAT PA RIN NI RONNIE M. HALOS. HUWAG BIBITIW!)
- Latest