‘Anting’ (Last part)
ISANG Japanese vintage bomb na kasinglaki ng hita ang aming nahukay. Kinakalawang na iyon pero buung-buo. May taynga ang bomba at palagay ko, ‘yun ang aking nahawakan habang hinuhukay.
“Takboooo! Dali!” nasabi ko.
Pagkabitaw namin sa bomba ay nagtakbuhan kami palayo sa takot na sumabog.
Pakiramdam ko ng mga oras na iyon ay nawalan ako ng dugo sa sobrang takot. Maski sina Larry at Totoy ay putlang-putla.
Malayu-layo rin ang aming tinakbuhan mula sa kinaroroonan ng vintage bomb. Pero natatanaw namin ito. Hinihintay namin ang pagsabog. Pero lumipas ang may 15 minuto marahil ay walang pagputok.
Nakiramdam pa kami.
Hanggang lumipas ang 30 minuto.
“Lalapitan ba natin?’’ tanong ni Larry.
“Huwag!” sabi ko. “Ireport natin sa barangay captain.”
“Oo nga. Baka ‘pag nilapitan natin ay sumabog,’’ sabi ni Totoy na nanginginig ang boses.
Bumaba kami ng Bundok Putol at nireport ang bomba sa barangay. Tumawag ng pulis ang barangay. Nagbalik kami sa bundok kasama ang barangay, mga pulis at pati ang aking ama, ganundin ang mga ama nina Larry at Totoy.
Ininspeksiyon ng mga pulis. Nang matiyak na hindi iyon sasabog ay dinala pababa ng bundok.
Pero kahit natiyak na hindi sasabog ay hindi ako lumapit sa vintage bomb. Sobrang takot ko. Nangangatal pa ako sa takot. Napag-alaman na ang bomba ay ibinagsak ng Japanese plane noong World War II. Marami pa umanong bombang nakabaon sa Bundok Putol.
Mula noon kinalimutan ko na ang paghahanap ng anting kung Mahal na Araw. Muntik nang malagay sa panganib ang aking buhay dahil sa anting.
- Latest