‘Labaha’ (Part 4)
WALA akong nagawa kundi sundin si Inay na magpagupit kay Tiyo Nonoy, ikalawang asawa ng aking ina. Kahit laban sa kalooban ko ang pagpapagupit sa taong ipinalit sa aking namatay na ama, nilunok ko na lang.
Natakot din kasi ako sa sinabi ni Inay na baka mapagalitan ako ng aming guro kapag nakitang mahaba na ang aking buhok. Kapag sumampa sa taynga ang buhok ay mahaba na yun at kailangan nang magpagupit. May parusa ang mga mahuhuling mahaba ang buhok. Ayaw kong maparusahan dahil lamang sa mahabang buhok.
Dakong alas dose ng tanghali ay nagtungo na ako sa barbershop ni Tiyo Nonoy sa palengke. Ayaw ko sana siyang tawaging Tiyo Nonoy at simpleng Nonoy lang ang itatawag ko pero pinagsabihan ako ni Inay. Igalang ko raw dahil pangalawang ama ko ito.
Pagdating ko sa barbershop ay nakaupo si Tiyo Nonoy at nagpapahinga. Walang customer. Mayroon siyang kasamang barbero pero ng mga oras na iyon ay wala dahil kumakain siguro.
Nang makita ako ni Tiyo Nonoy ay agad akong pinaupo sa upuan. Umupo naman agad ako.
Nilagyan ako ng balabal para hindi marumihan ang damit ko.
Agad sinimulan ni Tiyo Nonoy ang paggupit sa buhok ko. Gupit sundalo o gupit bao ang ginawa. Ganun ang required na gupit para raw malinis.
Nang aahitan na ako, nagulat ako sa inilabas na labaha ni Tiyo Nonoy. Antigo at parang hindi matalas ang labaha.
Nang sinimulan akong ahitan, napaaray ako. Ang sakit!
(Itutuloy)
- Latest