EDITORYAL — Dapat ba talagang umimport ng sibuyas?

MALAWAK ang lupaing agricultural ng Pilipinas. Mas malawak kaysa Vietnam at Thailand. Pero sa kabila nito, umaangkat ang Pilipinas ng mga produkto sa mga nasabing bansa. Sa mga darating na panahon, baka umangkat na rin ang Pilipinas sa Cambodia na matagal ding napangibabawan ng giyera.
Ang Pilipinas, walang tigil sa pag-angkat. Nakasanayan na. Wala nang pagsisikap na makapagparami ng sariling produkto. Wala nang pagpupursigi na makapag-ani sa sariling lupain.
Hindi lamang bigas ang inaangkat ng Pilipinas ngayon kundi pati na rin ang sibuyas. Nakakapanlumo at nakakahiya na ang sibuyas na maalwan at maayos na tumutubo sa Pilipinas ay kailangan pang angkatin.
Inanunsiyo kamakailan ng Department of Agriculture (DA) na paparating na sa susunod na linggo ang inangkat na 3,000 metric tons ng pulang sibuyas at 1,000 metric tons ng puting sibuyas. Sabi ni DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na tinatayang 7,000-tonelada ng sibuyas ang kailangan para makasapat sa pangangailangan hanggang sa sumapit ang panahon ng anihan.
Ilang linggo na ang nakararaan, binatikos ng mga magsasaka at agricultural groups si Tiu-Laurel dahil sa pasya nitong mag-angkat ng sibuyas. Hindi raw dapat mag-angkat sapagkat nalalapit na ang harvest season. Sa ginawa raw ng kalihim, ang maaapektuhan ay ang mga lokal na magsasaka. Kapag dumagsa ang imported na sibuyas, wala nang tatangkilik sa lokal na pula at puting sibuyas. Mas mura umano ang imported na sibuyas kaysa lokal na sibuyas. Paano pa mabubuhay ang mga kawawang magsasaka sa pagdagsa sa merkado ng imported na sibuyas? Tiyak na bababa ang farmgate price ng sibuyas at kawawa ang kalagayan ng mga magsasaka na gumastos nang malaki sa pagtatanim at ibibenta lang ng mura.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), hindi dapat nagmadali ang Bureau of Plant Industry (BPI) sa pag-apruba sa pag-angkat ng sibuyas sapagkat panahon na ng anihan. Bakit daw kumakati ang kamay ng mga kawani ng BPI) na mag-import ng sibuyas?
Walang ibang talo sa pasya ng DA na mag-angkat ng sibuyas kundi ang mga maliliit na magsasaka. Pinagbuhusan nila ng panahon ang pagtatanim ng sibuyas at ginastusan nang malaki at sa bandang huli ay mawawalan ng silbi dahil sa imported. Nakakaiyak ang nangyayaring ito.
Noong nakaraang taon, hiniling ng mga magsasaka ng sibuyas na magtayo ng mga imbakan o bodega para hindi mabulok. Pero hindi sila pinakinggan. Marami sa mga magsasaka sa Mindoro ang itinatapon na lamang ang sibuyas dahil nabulok na. Hindi na binibili. Sobra-sobra ang dami ng sibuyas dahil sa walang patid na pag-import ng DA. Dapat bang umangkat ng sibuyas?
- Latest