‘Kuwago’ (Part 11)’
MAKALIPAS ang tatlong buwan, nagulat ako at nanghilakbot nang malaman na naaksidente sa barko ang inaanak kong si Benny. Naparalisa ang kanyang katawan at hindi na makatayo. Naapektuhan ang kanyang spinal column dahil sa pagbagsak sa sahig ng barko.
Nang maiuwi si Benny, awang-awa ako sa kanya. Payat siya. Malayung-malayo sa itsura dati nito na maskulado ang pangangatawan.
Hindi na rin siya makapagsalita nang maayos. Paputul-putol ang pagsasalita at hinahabol ang paghinga. Maraming naapektuhan sa kanya dahil sa matinding pagbagsak. Ang nakalulungkot ay habambuhay na siyang nakahiga dahil sa napinsalang gulugod.
Nalaman ko ang tunay na dahilan ng kanyang pagkaparalisa. Isang naiinggit na kasamahan ang kanyang nakaaway sa barko. Nagpambuno sila hanggang sa maitulak siya at nalaglag sa konkretong sahig ng barko. Noon pa raw ay matindi na ang inggit sa kanya ng kasamahan. Naiinggit sa kanya dahil marami siyang sideline na pinagkakakitaan.
Ang magandang nangyari, kinasuhan niya ang nakaaway at nanalo siya sa kaso. Nakunan ng CCTV ang pagtulak sa kanya. Intensiyon na papatayin siya.
Nang tanungin ko si Benny kung sinunod ba niya ang payo ko na pakawalan ang alagang kuwago, hindi raw. Nakalimutan daw niya hanggang mag-abroad na nga siya.
Nang tanungin ko kung nasaan na ang kuwago, namatay daw. At sa araw na naaksidente siya sa barko ito namatay.
Gumapang ang kilabot sa aking katawan.
Totoong masamang alagaan ang kuwago. (Itutuloy)
- Latest