‘Kuwago’ (Part 10)
ANG ikatlong pangyayari na may kaugnayan sa kuwago ang lalong nagpatibay sa paniniwala ko na talagang may dalang kamalasan ang ibon kapag ito ay inalagaan.
Dumating ang aking inaanak na seaman at inanyayahan ako sa blessing ng kanyang bagong bahay sa Taytay.
Malaki ang bahay na ipinagawa ng aking inaanak. Katas daw ng paghihirap niya sa pagiging seaman ang bahay. May pamilya na ang inaanak ko. Dalawa ang kanilang anak.
Hanga ako sa aking inaanak sapagkat sa pamamagitan ng pagtitiyaga, pagsisikap at pagtitiis ay nakapagpagawa nang malaking bahay.
“Marami akong sideline sa barko, Ninang. Nagmamasahe ako, naggugupit ng buhok ng mga kasamaham ko, nagpapa-raffle ng mga gamit at nagluluto ng kakanin. Lahat nang mapagkakakitaan ay pinasok ko,’’ pagkukuwento ng inaanak kong si Benny.
“Napakasipag mo pala!’’
“Kailangan, Ninang.’’
Inilibot ako ni Benny sa kabuuan ng bahay. Maganda at maayos.
Pero nang dinala niya ako sa likod bahay kung saan mayroon siyang nagsisilbing dirty kitchen at kubeta, nakita ko ang hawla na may kuwago.
“Bakit kuwago ang alaga mo, Benny?’’ tanong kong may pag-aalala.
“Bigay lang po sa akin yan, Ninang. Ayaw ko sana pero pinilit. Bakit parang nabalisa ka Ninang?’’
“Hindi magandang alagaan ang kuwago, Benny. Malas yan!’’
Nanghilakbot si Benny.
“Pakawalan mo sa gubat sa lalong madaling panahon!’’ sabi ko.
“Opo Ninang!’’
(Itutuloy)
- Latest