Meron ding peligro sa Chatbot
KABILANG sa patuloy na umuunlad na Artificial Intelligence ang mga chatbot. Napapakinabangan ito sa mga negosyo, trabaho, kalakalan, industriya, pananaliksik, komunikasyon, edukasyon, transportasyon, pagkalap ng mga impormasyon, medisina, at iba pa.
Maraming klase ng mga chatbot na nakakausap na parang tao bagaman popular sa kasalukuyan iyong ChatGPT na nagmula sa Amerika at kontrobersiyal naman iyong DeepSeek na nagmula sa China.
Pero, tulad ng iba pang mga aktibidad sa internet o anumang bagay na merong kinalaman sa tinatawag na online, meron ding mga peligro sa paggamit ng mga chatbot kung hindi maingat ang mga gumagamit nito.
Nanawagan nga ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang Department of Science and Technology (DOST) sa mga Filipinong gumagamit ng internet na mag-ingat sa paggamit ng mga chatbot dahil sa sinasabing gulong nilikha kamakailan ng DeepSeek na isang Chinese AI startup.
Pinakabuod na babala ng DICT at DOST ang pag-iingat sa pagbibigay ng mga personal na impormasyon sa mga chatbot dahil sa mga detalyadong kaalamang maibabahagi nito sa ibang mga tao.
Sabi ni DICT Secretary Ivan John Uy, “Ang data ang langis ng AI. Ang AI ang makina. Hindi tatakbo ang AI kung walang langis. Habang dumarami ang isinusubo mo rito, lalo itong tumatalino. Kung konti lang ang ibibigay mong impormasyon, lalong malilimita ang kakayahan ng AI. Maaari kang magbigay ng data pero dapat maging mapanuri sa uri ng ibibigay mong datos dahil aanihin ito ng AI at idadagdag nila sa kanilang koleksyon ng mga impormasyon at hindi mo na ito mababawi.”
Hindi rin ito naiiba sa paggamit ng ibang apps o program o pagbubukas ng mga website sa internet o ng anumang mga online account. Kung hindi mag-iingat, may mga personal na bagay sa buhay mo na maaaring manakaw o mapagsamantalahan ng cyber criminals tulad ng iyong pera, mga litrato o video, ang iyong pagkatao na magagamit sa panloloko sa ibang tao, at iba pa.
Sa “How to Protect your Privacy From ChatGPT at ibang AI Chatbots” sa Mozilla, nagbigay ng ilang payo sina Jen Caltrider at Zoe MacDonald kung paano makakapag-ingat sa paggamit ng ganitong teknolohiya.
Isang halimbawa ang paggamit sa accountless version ng chatbot. Madali lang, libre at limitado lang ang makukuha nitong impormasyon. Hindi kailangang gumawa ng account dito.
Kung gagawa ng account sa chatbot, huwag mag-sign in gamit ang ibang account tulad ng sa Google at Facebook o ibang third party account dahil tsansa ito sa chatbot na ibahagi sa iba ang anumang bagay hinggil sa iyo tulad ng sa bank account, password, credit card, tirahan, phone number at ibang sensitibong impormasyon.
Isara ang automatic data-sharing ng iyong cellphone o ng browser settings.
Iwasang magbigay sa Chatbot ng anumang impormasyon hinggil sa personal mong buhay na ayaw mong malaman ng iba lalo na kung lubha itong sensitibo.
Mahalaga sa mga hacker ang anumang sinasabi mo sa chatbot kaya lumalaki ang panganib na makuha nila ang iyong impormasyon. Depende rin ito kung gaano kalakas ang seguridad ng kumpanyang nagmamantini sa chatbot.
Magsaliksik sa iba pang mga paraan sa ligtas na paggamit ng mga chatbot.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest