‘Kuwago’ (Part 9)
MAKALIPAS ang isang linggo, nakatanggap ako ng text mula kay Karla. Sinasabing patay na ang asawang si Danny. Nabaril ng mga pulis sa ginawang drug operations sa kanilang lugar. Lumaban umano ang asawa niya kaya binaril.
Natigilan ako makaraang mabasa ang text ni Karla. Naalala ko ang kuwago na alaga ng asawa niyang si Danny. Nagkatotoo na naman ang kasabihan na nagdadala ng malas ang kuwago. Hindi dapat gawing alaga ang kuwago sapagkat may kakambal itong malas sa buhay.
Tinawagan ko si Karla at inalam kung saan nakaburol ang asawang si Danny. Makaraan kaming mag-usap ay agad akong nagtungo sa punerarya na sinabi ni Karla. Alam kong kailangan niya ang tulong ko. Wala namang ibang tutulong kay Karla dahil naghihikahos din ang mga magulang at kapatid niya. At nasabi rin ni Karla sa akin na mula raw nang mapangasawa niya si Danny ay hindi na naging maganda ang relasyon niya sa mga magulang at kapatid. Hindi kasi boto ang mga magulang at kapatid niya kay Danny.
Umiyak sa aking dibdib si Karla nang dumating ako. Ang inaanak ko ay nakatingin lang sa akin.
“Hindi ko alam kung paano ko bubuhayin ang anak namin, Marian,’’ sabi ni Karla.
“May awa ang Diyos—ipapasok kita sa kompanya ko.’’
Lalong ngumuyngoy si Karla. Alam kong gumaan ang dalahin niya.
Nang payapa na si Karla, tinanong ko ang alagang kuwago ng kanyang asawa.
“Wala na ang kuwago, Marian.’’
“Anong nangyari?’’
“Nang gabing mabaril si Danny, nakawala ang kuwago sa hawla. Hindi ko alam kung saan napunta. Pero di ba sabi mo malas yun. Mabuti nga at nakawala. Baka nga yun ang nagdala ng kamalasan sa aming buhay.’’
Napatango na lang ako.
(Itutuloy)
- Latest