EDITORYAL - Sunud-sunod na vehicular crashes

NOONG nakaraang taon, 2,747 katao ang namatay dahil sa vehicular crashes, ayon sa report ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP). Itinuturong dahilan ng pagbangga ng mga sasakyan ay dahil sa walang ingat na pagmamaneho, lasing sa alak at lango sa droga ang drayber, masyadong mabilis ang pagpapatakbo ng sasakyan, masyadong mabigat ang karga at gumagamit ng cell phone ang drayber.
Pinakamarami ang namatay dahil sa maling pag-overtake ng drayber at nabangga ang kasalubong na sasakyan sa kabilang linya. Gaya nang nangyari noong nakaraang Enero 30, 2025 sa Jaro, Iloilo nang bumangga ang isang kotse sa kasalubong na 10-wheeler truck. Patay ang tatlong sakay ng kotse samantalang sugatan ang drayber ng 10-wheeler.
Ayon sa pulisya, nag-overtake ang kotse sa isang pickup vehicle at nabangga ang kasalubong na truck sa kabilang linya. Hindi na umabot sa ospital ang tatlong sakay ng kotse. Nahaharap naman sa kaso ang driver ng 10-wheeler kahit siya ang binangga ng kotse.
Isa naman sa mga karaniwang dahilan ng drayber kapag nangyari ang pagbangga ay dahil nawalan daw ng preno ang minamanehong sasakyan. Gaya nang nangyari noong Disyembre 6, 2024 kung saan inararo ng truck ang mga sasakyan na kinabibilangan ng 16 na motorsiklo, limang kotse at isang bus habang palusong sa Katipunan fly-over sa Quezon City. Apat katao ang namatay. Sabi ng drayber, nawalan ng preno ang truck.
Bukod sa aksidente na kinasasangkutan ng mga kotse at truck, marami rin ang aksidenteng naitatala sa motorsiklo. Noong nakaraang linggo, isa ang namatay dahil sa pagkakarera ng motorsiklo sa Marilaque Highway. Sabi ng HPG, babantayan nila ang nasabing highway upang hindi na maulit ang illegal na pagkakarera na nagbubuwis ng buhay.
Ipatupad naman ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-educate sa mga kukuha ng driver’s license, lalo ang sa motorsiklo para hindi sila maging mitsa ng mga aksidente. Matagal nang nangyayari na maraming nakakakuha ng driver’s license kahit walang nalalaman sa mga batas trapiko. Ang korapsiyon sa LTO ang dahilan kung bakit maraming drayber ang nakakakuha ng lisensiya.
Hindi mapuputol ang mga nangyayaring vehicular crashes hangga’t may mga iresponsable at ignoranteng drayber. Wasakin ang katiwalian sa LTO para mabawasan ang aksidente sa kalsada.
- Latest