^

Punto Mo

EDITORYAL – Confidential funds ng OVP

Pang-masa
EDITORYAL – Confidential funds ng OVP

TINANGGAL na ang intelligence at confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) makaraang batikusin. Kumilos ang House of Representatives at inilagay ang pondo sa mga tanggapan na lubhang kailangan ito partikular ang may kinalaman sa seguridad. Sa mga nakaraan, wala naman talagang intel funds ang OVP at nakapagtataka kung bakit humihingi nang malaking pondo para rito. Humihingi ng P650 milyon na intelligence at confidential funds ang OVP para sa 2024.

Ayon sa Kamara, ang P650 milyon na hinihingi ng OVP ay ipagkakalooob na lamang sa intelligence budget ng security forces na nangangalaga sa West Philippine Sea (WPS). Sa kasalukuyan, kulang na kulang ang pondo ng mga nangangalaga sa WPS lalo pa’t dumaranas ng pambu-bully ng China. Kung anu-anong panggigipit ang ginagawa ng China Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard at muntik-muntikanang malagay sa peligro dahil sa mapanganib na pagmaniobra. Nakaranas nang bombahin ng tubig. Noong nakaraang linggo, nilagyan ng China ng floating barriers ang Scarborough Shoal. Tinanggal ito ng PCG sa utos ni President Marcos Jr. Kamakalawa, nag­lagay naman ng rubber boats ang CCG sa Panatag Shoal.

Nagkaroon ng kontrobersiya sa confidential fund ng OVP noong 2022 nang madiskubre na ginastos lamang sa loob ng 11 araw ang P125 milyong pondo. Kinuwes­tiyon ng mga mambabatas kung paano at saan ginamit ang pondo sa loob lang ng maikling panahon. Lumalabas na gumastos ng P11.3 milyon bawat araw ang OVP. Ang pagkakadiskubre sa mabilis na paggastos ay isinapubliko ng Commission on Audit (COA).

Dahil sa nangyaring kontrobersiya, hindi lamang ang OVP ang tinanggalan ng confidential funds kundi lahat ng mga ahensiya at departamento ng pamahalaan na wala namang kinalaman sa pangangalaga sa seguridad.

Ayon sa report, isa sa mga humihingi ng intel funds ay ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na ikinataas ng kilay ng nakararami sapagkat kailangan ba ng intel funds sa pagpapatupad ng trapiko at pagsasaayos ng mga drainages sa Metro Manila? Marahil, ginawang modelo ang OVP kaya nagtangka rin silang humingi ng confidential at intel funds.

Ang pagtanggal sa confidential fund ng OVP ay nararapat sapagkat maaaring gayahin ng iba pang tanggapan. Mabuti at nabatikos ang kontrobersiyal na pondo kaya mabilis na nasawata. Kung hindi nasawata­, maaaring magastos ang pera ng bayan sa kaduda-dudang paraan.

CONFIDENTIAL FUNDS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with