^

Punto Mo

Mallercise: Ehersisyo sa mga shopping mall

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Isa sa nauusong klase ng ehersisyo sa ilang bansa ang ­paglalakad sa mga shopping mall. Mas malawak ang nalalakaran kung mas malawak ang isang shopping mall na nakakabuti sa kalusugan ng isang tao. Hindi ko lang tiyak kung may mga nagsasagawa rin ng Mallercise (ehersisyong paglalakad sa shopping malls) dito sa Pilipinas pero hindi naman malayong mangyari ito kung meron man.

Sa dami ng mga taong labas-masok sa mga malls, mahirap matukoy agad ang namimili lang, nagwi-window shopping, namamasyal, nakikipag-date, nakikipag-meeting, may isinasagawang selebrasyon, nagnenegosyo, tumatambay,  nagpapalipas-oras o palakad-lakad. Pero marami nang mga Pinoy ang mulat sa benepisyo ng ehersisyo at, sa paglipana ng naglalakihang mga shopping malls sa bansa, hindi imposibleng meron din sa kanila na mga “Mallerciser” bagaman hindi lang gaanong malaganap.

Gayunman, tinitingnang positibo ng mga ekspertong pangkalusugan ang Mallercise. Sinasabi nila na maraming dahilan kung bakit mainam sa kalusugan ang ganitong ehersisyo. Komportable kasi sa loob ng mall bukod sa libre kung hindi mo kayang magbayad sa gym, kontrolado ang klima, walang dapat ipag-alala sa init o ulan at kung ano man ang kasuotan mo. Makakaiwas ka sa air pollution.  Malayo pa sa trapiko.  Walang tsansang masagi o mabangga ka ng sasakyan. Walang istorbo sa daan.

Dahil merong mga guwardiya at CCTV sa mga shopping mall, makakatiyak ka na hindi ka mabibiktima ng krimen na nangyayari sa mga kalsada lalo na kung naglalakad kang mag-isa.  Shopping mall ang puwedeng piliin kung kabado kang maglakad sa labas para mag-ehersisyo.  Mas makakabuti rin kung ang Mall ay merong dalawa o tatlo o limang palapag na mas magpapalaki ng distansiyang lalakaran. Kailangan lang dumaan sa hagdanan papunta sa mga matataas na palapag dahil walang silbi kung gagamit ka ng escalator o elevator.

Nakalaan din ang mga restroom ng Mall kapag kailangan mo nito at merong maiinumang tubig kapag nauhaw sa paglalakad. May makakainan sa loob bago at pagkatapos maglakad at nananatili kang ligtas. Hindi pa masyadong mainit at hindi masyadong malamig. Kung madalas kang maglakad sa mall, may tsansang may makilala kang bagong kaibigan tulad ng ibang tao na mahilig ding mag-Mallercise.

Siyempre, meron ding mga disbentahe sa ganitong ehersisyo. May tendensiya ng pagiging monotonous o paulit-ulit at magiging kabagot-bagot dahil maraming beses kang magpapaikot-ikot sa 30 o 60 minutong paglalakad. Pare-parehong tindahan at mga tanawin ang makikita at madadaanan. Pero hindi naman marahil malaking problema kung ang intensiyon mo lang ay mag-ehersisyo at hindi manood ng mga magagandang iba;t-ibang tanawin.

Matigas o konkreto kalimitan ang mga sahig kaya makakabuti kung nakasuot ng sapatos na iibsan sa epekto ng pagtapak sa matigas na sahig. Karaniwang mabagal maglakad ang mga Mall walkers  kaya, kung mabilis kang maglakad, baka mawala ka sa tamang lugar.

Meron namang malls na walang sadyang nakalaang upuan kapag merong  napapagod at gustong magpahinga sandali kaya problema ito kapag isa kang Mall walker. Kung meron man, kokonti lang na hindi sapat sa dami ng mga taong pumapasok sa loob ng Malls.   Pero maaasahan ang mga kainan o restawran na merong mga upuan sa labas ng kanilang mga tindahan kabilang na ang mga food court.

-oooooo-

Email: [email protected]

vuukle comment

CCTV

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with