Inflation at impresyon
INFLATION — ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, kung saan pakonti nang pakonti ang nabibili ng ating pera — ang pangunahing problema ngayon ng karaniwang mamamayang Pilipino. Pagkain, kuryente, transportasyon at renta sa bahay, ito ang mga matinding tinamaan ng inflation na umaabot na sa 7.7 percent, pinakamataas sa nakaraang labing-apat na taon.
Puro palatak at buntunghininga ang pinapakawalan ng mga misis matapos mamalengke. Kasi, lilipas lang ang ilang araw ay nadaragdagan ang presyo ng bigas, gulay, prutas, karne, delata, at lahat halos ng binibili. Dahil hindi naman tumataas ang kinikita, ang karaniwang ginagawa na lamang ng karamihan ay bawasan ang binibili. ‘Yong dati ay dalawang putahe ang inuulam, ngayon ay isa na lang. ‘Yong dating isa, baka ngayon ay pumapalya na. Ibig sabihin, kung dati’y tatlong beses kumakain sa maghapon, baka ngayon ay dalawang beses na lamang.
Masyado ang pagtaas ng presyo ng pagkain dahil mas mataas ang ating pangangailangan kaysa sa ating produksyon. ‘Yan ang law of supply and demand. At dahil kulang tayo sa local supply, kailangang umangkat tayo ng pagkain sa ibang bansa. Ang presyo ng inaangkat nating pagkain ay patuloy na tumataas dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo at paghina ng piso.
Kailangan ang food sufficiency bilang pangmatagalang solusyon sa problema ng pagkain. Ito ang pagtiyak na laging sapat ang supply ng pagkain para sa mahigit na 110 milyong Pilipino. Kailangan din natin ang food security bilang mabilisang solusyon sa ating problema. Ito ang pagtiyak na hindi daranas ng taggutom ang Pilipinas.
Ayon sa World Bank, maaaring sa susunod na taon ay magkaroon ng global recession o pandaigdigang pagbagsak ng ekonomiya at kakapusan sa pagkain. Nakakatakot ang scenario. Ibig sabihin, kailangan natin ang lider na strategic, at hindi lamang tactical, kung mag-isip. Hinaharap ang kasalukyan, ngunit may malinaw na plano para sa kinabukasan.
Si Presidente BBM ang kasalukuyang Department of Agriculture Secretary. Sa mga kamay niya nakasalalay nang buung-buo ang pagkakaroon natin ng food security at sufficiency. Wala na siyang maaaring sisihing iba kung mananatili ang kasalukuyang problema natin sa pagkain.
Mahalagang magkaroon siya ng malinaw na programa para sa kasapatan ng pagkain na ang unang makadarama ay ang karaniwang mamamayan. Kahit na panindigan niya na maayos ang ating ekonomiya o ipagsigawan ng kanyang economic team na lumalago ang ating ekonomiya, wala itong epekto sa karaniwang mamamayan na kumakalam ang sikmura dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ang aspirasyon o pangarap ni BBM na maging beinte pesos bawat kilo ng bigas ay mauuwi sa bangungot kung sa halip na bumaba ang presyo ng bigas ay wala ng mabiling bigas.
Bukod sa inflation, kritikal din na bigyang-pansin ni BBM ang impresyon ng mamamayan. Importanteng makita ng mga mamamayan na bilang lider ay nakahanda siyang magsakripisyo. Hindi nakakatulong ang madalas niyang biyahe, kasama ang kanyang pamilya at malaking delegasyon. Lumilikha ito ng impresyon na siya’y insensitibo sa nararanasang paghihirap ng karaniwang mamamayang Pilipino.
Makatutulong na unawain ni BBM ang sinabi ng French mathematician na si Blaise Pascal, “Ang pagiging sensitibo sa maliliit na bagay at pagiging insensitibo sa malalaking bagay ay senyales ng kakaibang kaguluhan.”
- Latest
















