Aswang
MAY isang matanda na mahilig magkuwento tungkol sa kababalaghan. Siya ang nagkuwento na ang pagiging aswang ay hindi lang namamana sa mga magulang at ninuno kundi sa pamamagitan ng paghawa sa biktima. May naikuwento siya tungkol sa kanyang kamag-anak na ubod nang ganda kaya ang mga manliligaw ay nagmumula pa sa iba’t ibang bayan. Nangyari ito bago pa magkaroon ng World War 2. Siya ang sadyang hinawahan para maging aswang.
Uso noon ang paninilbihan ng mga binatang manliligaw sa pamilya ng dalaga. May isang binatang bigla na lang sumulpot sa bahay ng magandang dalaga para manligaw. Nagpakilala itong taga-kalapit bayan at may binanggit na pangalan ng mga taong kamag-anak daw niya. Nagkataong kakilala ng ama ng dalaga ang binanggit na tao kaya tinanggap nila ang binata na manligaw sa anak.
Mabait ang binata at nagpakitang gilas kaagad ito sa pamamagitan ng pag-iigib ng tubig, pagsisibak ng kahoy at pagtulong sa ama sa pag-aararo ng palayan. Nakokonsensiya ang dalaga kaya’t isang araw ay tinapat nito ang binata na may nobyo na ito ngunit inililihim lang niya sa kanyang pamilya. Nalungkot man ang binata ay sinagot nito ang dalaga ng:
“Hangga’t hindi kayo naikakasal, patuloy pa rin akong maninilbihan.”
Minsan ay nalaman ng pamilya na ito pala ay magaling magluto kaya’t sa isang pagkakataon ay hinayaan ng ama na ipagluto sila ng binata. Ang niluto ng binata ay hindi nakain ng pamilya dahil galing ang mga ito sa piyestahan sa kabilang baryo. Ang dalaga ay hindi nakasama kaya’t siya lang ang kumain ng ulam na niluto ng manliligaw. Nang maisipan ng pamilyang tikman ang pagkaing niluto ng binata ay nakita na lang nila na wala nang laman ang kaldero. Itinapon pala ng binata ang niluto nito sa basurahan. May bangaw daw na dumapo sa pagkain kaya nagpasya ang binatang itapon na lang ito. Lumipas ang mga araw, ang magandang dalaga ay may naramdaman kakaibang sakit sa kanyang tiyan. ‘Yung sakit na parang may sumusundot na matalim sa kanyang mga bituka. (Itutuloy)
- Latest















