Ang mabahong hininga
ISANG umaga, pinuna ng misis ng leon ang kanyang hininga.
“Ang baho ng hininga mo. Gawan mo iyan ng paraan. Hindi muna kita tatabihan sa pagtulog habang hindi natatanggal ang baho ng hininga mo.”
Sobrang nainsulto ang machong leon. Lumabas siya ng kuweba upang maghanap ng mga hayop na magpapatunay kung totoo ang sinasabi ng misis niya tungkol sa kanyang hininga. Tinawag niya ang kambing, aso at baka.
“Kambing, inaway ako ng misis ko, dahil mabaho raw ang hininga ko. Gusto kong malaman kung totoo o hindi?” sabay buga ng kanyang hininga sa tapat ng ilong ni Kambing.
Gustong magpakatotoo ng Kambing kaya ang sagot niya ay:
“Bosing, totoong napakabaho ng iyong hininga. Nakakasuka at parang amoy ebak na!”
Uminit lalo ang ulo ng leon kaya sinipa niya nang napakalakas ang kambing.
Aso naman ang kanyang hinarap. “O, ano naman ang masasabi mo sa aking hininga?” sabay hatsing ng leon sa harap ng mukha ng aso.
Siyempre, nakita ng aso ang nangyari sa Kambing kaya naisip niya na magpaka-plastik.
“Sir, mabango ang iyong hininga. Tanga lang ang magsasabing mabaho ito.”
“Tarantadong ito…ibig mong sabihin, tanga ang misis ko dahil siya ang unang nagsabi na mabaho ang aking hininga.”
Sa sobrang asar pinilipit nito ang leeg ng bolerong aso.
Medyo nangangatal na sa takot ang baka. Siya na ang susunod na tatanungin tungkol sa walang kasingbahong hininga ng leon. Nag-iisip siya ng isasagot na hindi niya ikapapahamak.
Humikab ang leon at iniharap niya ang bunganga sa ilong ng baka. “O, ano ang masasabi mo sa aking hininga: Mabaho o mabango?”
“Bro, pagpasensiyahan mo na ako. Isang linggo na akong sinisipon kaya hindi ko maaamoy ang isang bagay kung mabaho siya o mabango. Sa katotohanan, ang nadama ko lang ay ang init ng iyong hininga pero wala akong naaamoy.”
Napangiti ang leon sabay sabing “Good answer!”
Sa buhay ng tao, hindi kailangang magpakatotoo sa lahat ng oras kung ang kapalit naman ng pagpapakatotoo mo ay gulo o away. Pero hindi rin magandang mambola dahil magmumukha ka namang sipsip na tanga. Ang mabuti pa, mag-no comment ka na lang kung wala ka namang kinalaman sa isyung pinagdedebatehan.
- Latest















