_pang-masa
^

Punto Mo

‘Obituary’ bumabaha sa FB sa panahon ng pandemya

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MARAMI  na rin sa kasalukuyan ang nakakapansin na, bagaman nakakalungkot,  nagmumukhang obituary ang newsfeed ng Facebook dahil sa mga napoposte rito hinggil sa mga magulang, kamag-anak, anak, lolo’t lola,  kaibigan, kabarkada, kababata, kalaro, kakilala, kaeskuwela, guro,  kasamahan sa trabaho, kapitbahay, kababayan, kabarangay at iba pa na namatay dahil sa sakit na coronavirus disease 2019.

Ganundin sa kaso ng pumapanaw na  mga kilala o kontrobersiyal na personalidad, artista, pulitiko, negosyante, lider-sibiko at iba pa na ang paglisan sa mundo ay ikinagugulat ng mga sumusubaybay sa newsfeed ng kanilang mga Facebook account. Kahit may mga namatay sa ibang sakit o ibang kadahilanan, mas higit na napapatampok ang mga pumanaw sa COVID-19 dahil nga sa pandemya nito na mahigit isang taon nang nananalasa sa buong mundo. At lalo pa itong napapatampok habang tumatagal ang pandemya at nadaragdagan nang nadaragdagan ang namamatay sa naturang virus.

Ang obituary o obit ay isang maikli o mahabang artikulo o balita na nag-uulat sa pagkamatay ng isang tao kasama na ng ilang detalye sa buhay nito at impormasyon sa burok at kanyang li-bing.  Karaniwan itong nakikita sa mga pahayagan at isinisingit din sa mga balita sa telebisyon at radio pero mas pinatatampok ang balita kapag kilala at malaking  personalidad ang namatay.

Wala namang aktuwal na obituary section sa Facebook.  Lumalabas lang sa newsfeed ang ipinoposte ng sinumang may FB account  hinggil sa pagkamatay ng isang tao. At tumatagal at pabalik-balik ito sa newsfeed dahil sa mga komentaryo o pakikiramay o reaksyon ng ibang mga  tao na nakakakilala o pamilyar sa namatay.  Bukod pa diyan ang mga poste ng litrato ng mga naulila o ng mga nakikiramay habang nasa burol ng patay at maging mga litrato ng mismong libing nito.

Isa nga lang kakatwa sa  FB, wala siyang ibang masasabing  katumbas o kabaligtaran ng “Like”  para sa mga pumapanaw maliban na lang sa ‘comment’ na doon ay nasasabi ng  sino man  ang kanilang saloobin o  reaksyon sa  pagkamatay ng isang tao.  Meron namang “sad” o malungkot na emoticon sa “like” kahilera ng  ‘love’, ‘care’,  ‘haha’, ‘wow’ at ‘angry’ at ito marahil ang alternatibo para sa sitwasyon ng mga lumilisan sa mundo.

Halos  lahat ng user ng Facebook sa internet ang nagpopost sa kanilang wall ng mga balita hinggil sa mga namamatay. Matagal na itong praktis bago pa man dumating ang pandemya.  Dahil nabubuksan na rin ang social media sa smart phone at ibang gadget,  mas mabilis na nakakarating sa mas maraming tao ang pagpanaw ng isang lalaki o babae.

Pero isang nakakalugod at nakakaibsan ng lungkot kahit paano sa pagpoposte ng ganitong obituary ang pagtugon at pakikiramay na natatanggap ng mga naulila ng namatay. Lalo na sa mga hindi magawang makapunta sa burol at libing na kahit man lang sa Facebook ay maiparating nila ang marubdob na pakikidalamhati sa mga namatayan at ang kanilang panalangin para sa namatay.

Bumabaha sa mga “wall” ang mga condolence at may he/she rest in peace. Naglilitawan din ang mga larawan ng patay noong nabubuhay pa. Sunud-sunod ang mga komento hinggil sa buhay nito, mga mabubuting katangian, ugali, pakikipag-ugnayan sa kapwa, at iba pang mga alaalang naiwan nito sa lupa. Malaking tulong ito sa panahong ito na mahigpit na ipinatutupad ang social distancing at bawal ang pagtitipon-tipon ng maraming tao.

Email: rmb2012x@gmail.com

DEATH
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with