Ang babae sa aparador (44)
HINDI na ginising ni Ziarah si Jonas sa pagkakatulog nito sa sopa. Ikinuha pa niya ito ng unan at kumot para magtuluy-tuloy na ang tulog. Tiyak na giginawin ito sa madaling araw dahil sa aircon.
Nang inakalang maayos na ang lagay ni Jonas ay saka lamang naghapunan si Ziarah. Nakaramdam siya ng gutom makaraan ang ginawang pag-aasikaso sa lasing na si Jonas. Nakakapagod din pala ang pagpapalit ng damit at pantalon ng lalaki. Mabuti na lang at hindi naging magalaw o nagkikilos si Jonas habang binibihisan niya lalo na noong sinusuutan niya ng boxer shorts. Napangiti si Ziarah sa bahaging iyon dahil kung naging malikot o magalaw si Jonas ay baka nasanggi niya ang ano nito. Pero hindi niya tiningnan ang “ano” nito. Iniwasan niyang tingnan.
Mabuti na lang at maayos niyang nabihisan si Jonas. Kawawa naman ito kung hindi niya aasikasuhin. Mabababad ang likod at puwitan dahil sa pagkakasuka niya. At isa pa mamamaho ito kung hindi niya papalitan.
Matapos kumain ay naligo si Ziarah.
Matapos maligo ay nagtungo na siya kanyang kuwarto. Inaantok na siya dahil sa pagod sa maghapon.
Bago umakyat ay pinagmasdan muna niya si Jonas. Tulog na tulog pa rin ito.
Umakyat na siya at nagtungo sa kanyang kuwarto.
Nakatulog agad siya.
KINABUKASAN, pa-sado alas otso na nang ma-gising si Jonas,
Nagulat siya nang mapagmasdan ang suot. Naka-shorts at shirt na siya. Nag-isip si Jonas. Paano siya nakapagpalit ng damit? Lasing na lasing siya kagabi.
Hanggang sa maalala niya na inalalayan pa siya ni Ziarah kagabi para makapasok sa bahay at tinulungang makahiga rito sa sopa.
Pagkatapos ay wala na siyang maalala. Grabe ang kalasingan niya.
Si Ziarah kung ganun ang nagpalit sa kanya. Pati ang shorts niya si Ziarah din ang nagpalit.
Hiyang-hiya si Jonas.
Parang hindi siya makakatingin nang tuwid kay Ziarah.
Sinisi niya ang sarili kung bakit uminom nang marami. Hindi na siya uulit.
(Itutuloy)
- Latest















