Paano na kung nawala ang iyong smartphone?
(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo (Pang-masa) - August 4, 2019 - 12:00am

PAANO nga ba kapag nawala o nanakaw ang iyong smartphone o cell phone lalo na kung original pa naman ito at mahal ang pagka-kabili mo? Madali sanang mababawi ito kung alam mo  o nakilala mo ang nakakuha ng iyong gadget para maipahuli sa pulis. Lalo na kung nakunan ng CCTV ang taong “nakadampot”. Pero paano kung lahat ay blanko? Hindi mo alam kung saang kamay napunta ang telepono mo. Wala kang malinaw na suspect. Mababalewala ang pagsusumbong sa pulis kung hindi mo tukoy kung sino ang “dumukot” o “nakadampot” dito at saan ito maaaring makita. Hindi manghuhula ang pulis. Kailangan din nila ng ebidensiya o anumang palatandaan para matulungan ka at mabawi ang  cell phone mo.

Bihira ang mga kaso na ang nawalang cell phone ay naibabalik ng “nakapulot” sa may-ari nito. Malabo ring tawagan o itext ang iyong numero sa nawalang cell phone lalo na kung prepaid subscriber ka dahil papalitan lang ng  suspek ang sim card nito at hindi niya sasagutin ang iyong mga tawag o text o kaya naman ay papatayin niya ang cell phone hanggang sa mapagod ka sa pagtatangkang makontak siya. Sa mga postpaid subscriber, maaari pa ring mabawi ang kanilang numero bagaman hindi na nila makukuhang muli ang kanilang gadget kahit na-block ito.

Mapapatulala ka na lang, malulungkot, madidismaya, maghihinagpis, manghihinayang, maiinis,  hanggang sa mahimasmasan ka na kailangang magpatuloy ang buhay. Smartphone lang naman iyan. Napapalitan.

Maganda sana kung merong apps o program sa iyong smartphone na makakapag-block o makapag-disable  dito kapag nawala para hindi magamit ng sino mang nakakuha nito. Pero paano kung wala?

Puwede rin namang ireport sa National Telecommunication Commission para maipa-block ang nawala mong cellphone at hindi na magamit ng nakakuha nito.  Kakailanganin mo lang magsumite ng affidavit of loss / ownership na notarized ng abogado, police report at ang kahon o resibo ng smartphone na kinasusulatan ng IMEI ng iyong smartphone at dalawang valid ID. Malaking abala nga lang lalo na kung napakalayo ng iyong kinaroroonan sa tanggapan ng NTC. Rekisitos pa naman sa NTC na kailangang humarap dito nang personal ang mga nawawalan ng cellphone. Pero puwede ring ipadala sa email ang mga dokumento.

Isang usapin nga lang na hindi malinaw, paano makakatiyak na nai-block na ang nawalang smartphone? Maaaring magtiwala na lang at ipanatag ang loob sa deklarasyon ng NTC na matagumpay nang na-block ito pero ano ang garantiya nito lalo pa at hindi mo alam kung sino ang nakakuha na siyang direktang makakaalam kung disabled na ang nawalang smartphone. Ganoon din sa kaso ng mga apps na nagpapa-block o disable umano sa mga nanakaw na cell phone dahil nga hindi mo personal na nakita ang nangyari rito. Gayunman, ipanatag pa rin ang sarili.  Magsilbing aral na lang ito at maging mas maingat na lang sa susunod sakaling magkaroon ka na ng kapalit sa nawala mong smartphone.

Email: rbernardo2001@hotmail.com

SMARTPHONE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with