EDITORYAL - Nawalan ng preno, o walang kasanayan ang driver?

SAMPU katao ang namatay nang araruhin ng isang trailer truck ang 12 sasakyan sa highway sa Matina Pangi, Davao City, noong Martes ng umaga. Sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng preno ang trailer truck na minamaneho ni Joel Sinampay Aras, 36, ng Cagayan de Oro City kaya inararo ang mga kasalubong na sasakyan.
Kapag nabangga o nahulog sa bangin ang sasakyan, ang karaniwang dahilan ng driver ay nawalan ito ng preno. Laging ganito ang dahilan ng mga driver. Ginawa na raw niya ang lahat para mapigilan ang pagbangga o pagkahulog sa bangin pero wala na raw magagawa dahil ayaw nang gumana ang preno. At pagkatapos nito, wala nang ginagawa ang mga awtoridad. Hanggang sa maulit na naman ang malagim na trahedya.
Noong Lunes, isang pampasaherong dyipni ang nahulog sa bangin na ikinamatay ng pitong pasahero. At gaya ng dati, nawalan din ito ng preno. Nangyari ang trahedya sa San Mariano, Isabela. Ayon sa mga nakaligtas, punumpuno ang dyipni. Noong nakaraang Sabado, isang dump truck na ginawang panghakot ng tao ang bumaliktad sa palusong na lugar sa San Fernando, Camarines Sur na ikinamatay ng 14 na tao. Galing sa pamamanhikan ang mga biktima. At gaya ng dating alibi, nawalan din ng preno. Overloaded ang truck at mabilis ang takbo sa palusong na lugar.
Walang ibang dahilan kundi nasira ang preno. Pero kung mag-iimbestiga lamang ang Land Transportation Office (LTO), matutuklasan nila na ang kamangmangan ng mga driver ang dahilan kaya nahulog, bumangga at bumaliktad ang minamanehong sasakyan. Kasalanan ng driver kaya sinapit ang trahedya at idinamay pa niya ang mga kawawang pasahero. Ang driver na mangmang ang nagdala sa kanyang mga pasahero sa hukay.
Kamangmangan ng driver ang hindi pag-iinspeksiyon sa sasakyan bago ibiyahe. Kahit pudpod ang gulong, sige lang sa pagtakbo at pagdampot ng pasahero. Kamangmangan ang pagkakarga nang marami kahit na hindi na kaya ng sasakyan. Kamangmangan ng driver na magpatakbo nang mabilis kahit palusong at pakurbada. Kamangmangan na hindi alam ang ibig sabihin ng road signs.
Pangunahan ng LTO ang pag-educate sa mga driver lalo ang mga nagmamaneho sa pampublikong sasakyan. Kung hindi sila tuturuan at sasanayin, marami pang mamamatay sa kalsada. Gawin sana ito ng LTO.
- Latest















