Bakit pinatay si John Lennon? (Last Part)
ANG unang teorya kung bakit pinatay si Lennon ng beinte singko anyos na si Mark Chapman ay simpleng sira lang ang ulo nito na gustong sumikat.
Magandang klaseng baril ang ginamit ni Chapman sa pagpatay —Undercover Special ang tawag o Saturday Night Special. Napakaliit na baril na magkakasya sa back pocket ng pantalon. Maliit pero walang mintis kapag kinalabit.
Bukod sa expert choice niya ng baril, humanga ang mga nag-autopsiya ng bangkay ni Lennon, dahil halatang asintado raw si Chapman. Kaya hindi naniwala ang mga imbestigador nang sabihin ni Chapman na siya ay amateur sa paggamit ng baril. Na hindi talaga siya mamamatay tao. Naasar lang siya kay Lennon nang sabihin nitong mas sikat pa siya kay Jesus Christ. Isang Christian si Chapman.
Ang baril ay binili lang ilang buwan bago barilin si Lennon. Sa katunayan ang ipinambili ng baril ay perang hiningi ni Chapman sa misis nito. Ang pera ay mula sa inutang ni Misis sa employer’s credit union.
Base sa pagtatapat ni Chapman sa mga imbestigador, nanggaling siya sa Honolulu at diretsong lumipad patungo sa New York sakay ng United Airlines. Ngunit sa pagre-research ng isang abogadong British, si Fenton Bresler, walang direct flight mula Honolulu hanggang New York ang United Airlines. Kailangang dumaan muna sa Chicago saka lilipad patungong New York. Pero ito ay hindi sinabi ni Chapman. Nagsinungaling siya nang sabihing diretso siyang lumipad mula sa Honolulu patungong New York. Si Bresler ay kapwa Briton ni Lennon kaya’t ang kanyang imbestigasyon ay pabor para sa kababayan.
Nasaan si Chapman noong mga araw na dapat ay nasa Chicago siya? Base sa teorya ni Bresler, tatlong araw na tumigil sa Chicago si Chapman. Nakipag-ugnayan si Bresler sa New York County district attorney’s office at sinabi ang kanyang teorya. Agad “binaril” ng attorney’s office ang kanyang teorya at sinabing “no substance” ito. Wala raw kuwenta ang kanyang natuklasan.
Ito ang hinala ni Bresler: May cover up na nangyayari sa kasong pagpatay kay Lennon. Sa ilang araw na dapat ay nasa Chicago si Chapman, maaring siya ay na-programmed ng CIA para pumatay, gamit ang brainwashing drugs at hypnotic suggestion.
Ayon sa files ng FBI at CIA, si Lennon ay regular nang sumasali sa anti war demonstration. Minsan ay namuno pa siya noong 1972 sa Revolutionary activities. Maraming indikasyon na puwede itong mamuno para pabagsakin ang US government. Isang kanta lang ang gawin nito, hindi malayong maakit nito ang mga tao na kalabanin ang gobyerno. Dahil sa hinalang ito, naka-wire tap ang phone ni Lennon at ito ay inamin ng Justice Department. Isang linggo bago siya patayin, nakatakda siyang sumali sa rally ng Japanese-American workers na nag-i-strike sa San Francisco California. In fact, nakabili na siya ng plane ticket para dito. Pero nanatili lang itong teorya ni Bresler. Nakakulong pa rin hanggang ngayon si Chapman.
- Latest















