Ang tunay na giyera sa Marawi
INIHAYAG ng mga defense at military officials na tapos na ang giyera sa Marawi City, ang kabisera ng Lanao del Sur at Premier Muslim City ng Pilipinas, kung saan 99.6% ng populasyon ay mga Muslim.
Tapos na raw ang giyera na nagsimula noong May 23, pagkaraan ng 154 araw ng matinding labanan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng Maute IS-inspired group na pinangunahan nina Omarkhayam Maute at Isnilon Hapilon, ang lider ng Abu Sayyaf. Ang pagkakapatay sa dalawang extre-mist leaders ang naging hudyat ng pagtatapos ng labanan at ang pagtuldok sa pagtatangkang gawin ang Marawi City na kabisera ng caliphate sa Southeast Asia kung saan si Hapilon ang itatalagang “emir” o military leader.
Narito ang iniwan ng giyera: 919 terorista, 165 sundalo at pulis, at 47 sibilyan ang nasawi; 1,700 tropa ng gobyerno ang nasugatan; 1,780 ang ginawang bihag; at 359,680 indibidwal ang nawalan ng tahanan. Wasak ang mga bahay at gusali na nagpapakita ng nakapangingilabot na larawan ng giyera. Gumastos ang gobyerno ng P5 bilyon para sa mga military operations at tinatayang gagastos ang gobyerno ng higit sa 10 beses nito para muling itayo ang nawasak na siyudad. Ayon kay Architect at Urban Planner Felino Palafox, Jr., mangangailangan ng 70 taon bago ganap na maibalik ang Marawi City sa kanyang dating kalagayan.
Tapos na nga ba ang giyera? Kung ang nasa isip mo lang ay ang labanan sa pagitan ng gobyerno at ng Maute sa loob ng Marawi City, tapos na nga. Pero dahil mas malalim kaysa rito ang ugat ng giyera sa Marawi, hindi pa at malayo pa.
Unang-una, kailangang hanapan ng sagot ang napakaraming mga tanong: paanong naipasok sa Marawi City ang ganoong karaming armas nang hindi natutuklasan ng mga lokal na opisyal? Sino sa kanila ang kasapakat ng mga naghasik ng kaguluhan? Bakit hindi natunugan ng military intelligence ang matinding paghahanda ng mga terorista? Natapos na rin ba ang pagpapalaganap ng extremist at radical ideology na impluwensiya ng Islamic State? Paano kung ulitin ng mga terorista ang pagtatangka sa ibang lugar ng bansa? Ito ang giyera sa paghahanap ng katotohanan. Hindi madaling hanapin ang katotohanan, sapagkat ang kasinungalingan ay magaling magkunwaring katotohanan.
Kung magastos at mahabang panahon ang kinakailangan sa muling pagsasaayos ng mga nasirang gusali, lalong malaking halaga at panahon ang kakailanganin upang muling ibalik ang nawasak na pangarap at pag-asa at ang nasirang tiwala sa gobyerno at sa isa’t isa. Diumano, marami sa mga mamamayan ng Marawi ang sinisisi ang gobyerno sa pagkawasak ng kanilang siyudad. Marami rin sa mga kabataan doon ang iniidolo ang mga Maute terrorists, sa halip na ang mga sundalo at pulis. Marami ring nangangamba na maaaring nakawin lang ng mga tiwalang opisyales ng gobyerno ang bilyung-bilyong pisong ilalaan sa rehabilitasyon ng Marawi. Ito ang giyerang mas mahirap ipanalo—ang giyera sa pagkuha sa puso, suporta at pagtitiwala ng mga mamamayan.
Ang tunay na giyera sa Marawi ay ang pagtatatag ng tunay na kapayapaan. Ang tunay na kapayapaan ay hindi lamang ang kawalan ng giyera. Ang tunay na kapayapaan ay ang pagkakaroon ng tamang relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa sarili, at sa kalikasan. Ito ang tinatawag sa Bibliya na shalom.
Ang tamang relasyon sa Diyos ay nangangahulugan ng pagsunod sa Kanyang utos. Ayon kay Hesukristo, nabubuod lamang sa dalawa ang kautusan ng Diyos: Ibigin ang Diyos at ang kapwa nang buong puso, isip, kaluluwa at lakas. Ang tamang relasyon sa kapwa ay nangangahulugan ng pag-ibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili. Ang tamang relasyon sa sarili ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa sarili bilang nilkhang kalarawan ng Diyos. Ang tamang relasyon sa kalikasan ay nangangahulugan ng pangangalaga sa kalikasan bilang itinalagang katiwala nito.
Kapag naipagtagumpay ang giyera sa pagtatatag ng shalom sa Marawi City, maaaring maganap ang napakagandang ipinipintang larawan ng siyudad: ito ang magiging showcase ng mayamang kultura at tradisyon ng mga Muslim; ito’y magiging tourist center na dadayuhin ng mga local at foreign tourists; ito ang magiging educational center sa buong Asia tungkol sa Islam. Ito ang magiging ehemplo ng modelong ugnayan ng mga Muslim at Kristiyano. Kay gandang pangarap! Ngunit pangarap na magiging katotohanan lamang kung ang buong Pilipinas ay makikisangkot sa giyera sa pagtatatag ng shalom. Sa giyerang ito, hindi puwedeng hindi ka kasama.
- Latest















