Bakit kailangan pang i-hazing?
Naaawa po ako sa estudyanteng si Horacio Castillo III na namatay dahil sa hazing ng fraternity. Pinahirapan siya ng mga ka-brod niya. Paano kaya naaatim ng mga pumatay sa kanya ang nangyayaring pagdadalamhati ng pamilya ngayon. Nakokonsensiya kaya sila sa ginawa o karaniwan na lamang ang pangyayari sapagkat sanay na silang magpahirap. Tanong ko lang, nasaan ang sinasabing kapatiran sa nangyaring ito na nabahiran ng dugo ang sinasabing welcome rites.
Mayroon pa kayang mahihikayat ang fraternity na ito ngayong may namatay na mi-yembro.
Labis din namang nadurog ang puso ko sa nadamang sakit ng mga magulang ni Castillo. Naiyak ako sa mga sinabi ng ama na bakit pinatay na parang hayop ang kanyang anak. Bakit hindi agad ito dinala sa ospital para nailigtas. Bakit hinayaang mamatay nang ganun lamang.
Sabi naman ng ina ni Castillo, ni hindi raw nila pinagbuhatan ng kamay ang kanilang anak. Tapos ay makikita na lamang nila ang katawan nito na pawang pasa ang katawan. Gusto raw niyang makita ang mukha ng mga pumatay sa kanyang anak. Gusto raw niyang malaman kung ano ang ginawa ng mga ito sa kanyang anak.
Nanay din ako kaya labis akong nasaktan sa pangyayari. Dama ko ang sakit. Sana naman itigil na ang hazing. At payo ko sa mga kabataan, huwag nang sumali sa anumang fraternity. Huwag sayangin ang buhay. --NATIVIDAD SAN PASCUAL, Paso de Blas, Valenzuela City
- Latest




















