Pssst, Bata, nilalagnat ka ba?
(Note: Sa column na ito, ang mga bata at kabataang mambabasa ng PM ang kausap ko.)
KUNG mainit ang pakiramdam o parang may kakaibang ginaw na nararamdaman, sabihin ito agad sa kasamang nakatatanda. Baka lalagnatin ka.
Huwag magalaw kapag nilagyan ka ng thermometer sa ilalim ng dila o sa kilikili upang hindi ito mabasag. Mas maiging kuhanin ang temperatura sa tulong ng thermometer. Huwag umasa sa mga salat-salat lang. Kapag ang temperature ay 37.8C pataas, may lagnat ka na nga. Kung kaya mo na, ikaw na ang kumuha ng iyong temperature.
Huwag matakot sa Paracetamol na ipaiinom sa iyo ng nanay o tatay mo. Kung hindi gusto ang lasa, hilingin mo sa kanila ang mga paracetamol na may flavor – lasang orange, cherry, grapes, o strawberry (akala mo juice ano?). Pero kung kaya mo nang uminom ng tablet, magsabi ka sa kanila. May ibang bata na kahit maliit pa ay marunong na ring uminom ng tablet.
Huwag mong kukulubin ang iyong buong katawan ng kumot para lamang pawisan at bumaba ang lagnat. Hindi na ito ginagawa ngayon. Mababasa lamang ng pawis ang iyong kama’t unan. Sa pag-inom ng paracetamol kada 4 na oras, doon ka papawisan.
Mas maiging magsuot ng short at sando. Mas okey din kung medyo mahangin o malamig ang kuwarto. Okey lang gumamit ng electric fan o aircon kahit may lagnat.
Huwag tatanggi kapag pinupunasan ka ng nanay mo. Kung mas mataas ang lagnat, mas madalas na punas ang dapat isagawa. Mas mabuti kung ang gagamitin ay ang tubig lamang sa gripo. Sabihan sina Lola na hindi dapat lagyan ng suka o alcohol ang ipambabanyos na tubig. Giginawin ka lamang kapag hinaluan pa ng alcohol ang tubig-pambanyos. Aasim naman ang amoy mo kapag hinaluan ito ng suka!
Uminom nang maraming tubig at fruit juices. Puwedeng uminom kahit medyo malamig ito. Huwag lamang sobrang lamig.
Kung oras na ng pag-inom ng gamot at natutulog pa ang pasyente, huwag na muna itong gisingin. Mas mahalaga ang tulog niya para makabawi agad ang katawan.
Magpakunsulta sa doctor kung ano talaga ang sanhi ng lagnat. Tandaan, ang lagnat ay babala lamang na may nangyayaring di-maganda sa loob ng ating katawan.
Welcome to the Christian world sa aking pamangkin na si Audrey Faye Ney Gatmaitan, bunsong anak nina Engr. Ferdinand and Joyce Gatmaitan ng Taipei City, Taiwan. Bininyagan si Audrey sa Sanctuario de San Jose, Greenhills, San Juan City, kahapon.
- Latest















