EDITORYAL - Maraming ‘butas’

INUMPISAHAN na kahapon ang hearing ng Senado ukol sa “kaduda-dudang” pagkamatay ni Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng provincial jail sa Baybay, Leyte noong nakaraang linggo. Sa himig nang pananalita ng mga senador, hindi sila kumbinsido sa paliwanag ng mga inimbitahang opisyal kung bakit nangyari ang barilan sa jail. May mga “butas” sa salaysay ng mga inimbitahang personalidad. Sinibak na ang mga miyembro ng CIDG na sangkot sa barilan.
Kaduda-duda ang pagkamatay ni Espinosa habang nasa provincial jail. Maski si Sen. Panfilo Lacson ay hindi makapaniwala kaya ito na ang humiling na magkaroon ng imbestigasyon ang Senado ukol sa misteryosong pagkamatay ng mayor.
Maraming katanungan kung paano napatay ang mayor gayung nasa custody ito ng mga awtoridad. Ayon sa report, nanlaban daw ang mayor at ang kasama nitong inmate nang isilbi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang search warrant dakong alas kuwatro ng madaling araw noong Linggo. Umano’y may nangyayaring bentahan ng shabu sa jail at mayroong baril si Espinosa. Nakakuha umano ng ilang sachet ng shabu at baril sa selda ni Espinosa makaraan ang barilan.
Kung totoong may baril at shabu sa selda, dapat imbestigahan ang in-charge sa provincial jail kung paano naipasok ni Espinosa ang baril at shabu. Bakit hindi naki-coordinate ang jailer sa CIDG sa pagsi-serve ng search warrant. Isa ring nakapagtataka ay kung bakit nawawala ang footage ng CCTV.
Ang pangyayari ay naghahatid naman ng pa-ngamba sa mga sumusukong drug suspect sapagkat hindi rin pala sila ligtas kahit sa loob ng jail. Si Espinosa ay isa sa mga pinangalanan ni Pres. Rodrigo Duterte na sangkot sa illegal drugs. Kusa namang nagtungo si Espinosa sa Camp Crame at itinangging may kinalaman siya sa droga. Ang kanyang anak daw na si Kerwin ang sangkot sa illegal drugs. Hinimok niya ang anak na sumuko. Naaresto si Kerwin sa Abu Dhabi, UAE at nakakulong pa roon.
Kamakailan lang, napatay ang isang mayor sa Datu Saudi Ampatuan at siyam nitong bodyguard dahil nanlaban daw sa checkpoint. Marami rin ang nagdududa rito.
Nararapat mahukay ang katotohanan sa mga kahina-hinalang patayang ito. Busisiin ang pagkamatay ni Espinosa at tiyaking mapaparusahan ang mga sangkot. Kapag walang nangyari sa imbestigasyon, mawawalan ng silbi ang kampanya sa illegal na droga ng administrasyon.
- Latest















