Isandaang snow globes
Ang Lola Tinang ni Angel ay mahilig bumili ng snow globe. Ito ‘yung bilog na crystal na puno ng tubig, may figurine sa loob at kapag kinalog ay magbibigay ito ng illusion na umuulan ng snow. Tuwing mangingibang bansa ang kanyang lola, hindi maaaring may bitbit itong snow globe pagbalik niya sa Pilipinas. Nakaipon si Lola Tinang ng 100 snow globes at nakadispley iyon sa cabinet na sadyang ipinagawa ng matanda. Ang cabinet ay nasa loob ng kanyang kuwarto.
Apat na taon pa lang si Angel nang pumanaw ang kanyang Lola Tinang. Simula ng namatay ito, wala nang gumamit ng kanyang bedroom. Lagi itong bukas dahil araw-araw ay nililinis ito ng katulong. Laging pinapanood ni Angel ang kanilang katulong tuwing pinupunasan nito isa-isa ang snow globes. Minsan may naikuwento si Angel sa kanyang mommy.
“I saw Lola Tinang.”
“Saan?”
“Sa bedroom niya…”
“Anong sabi niya?”
“She’s angry”
“Kanino?”
“Kay Yaya?”
“Why?”
“Bad siya…” Nagkibit balikat lang ang ina nito at nasa isip ay imagination lang nito ang ikinukuwento.
Nakuha ng katulong ang tiwala ng ama at ina ni Angel kaya paminsan-minsan ay iniiwanang mag-isa si Angel sa pangangalaga ang katulong. Isang araw na wala ang mga ito, bumisita sa bahay ang mister ng katulong. Si Angel noon ay nasa kuwarto ng kanyang Lola Tinang. Nang dumating kasi ang mister ay kasalukuyang winawalisan ito ng katulong.
Ang katulong pala at mister nito ay mga kawatan. Papasok na katulong ang misis, kukuhanin ang tiwala ng mga amo at saka magkatulong na nanakawan ang bahay. Habang nilalaro ni Angel ang mga snow globes, hinahakot naman ng mag-asawang kawatan ang alahas, pera at ibang mamahaling electronic gadgets. Nagulat na lang ang bata nang hilahin siya ng katulong dahil nakursunadahan siya ng mister na kidnapin. Nakadama ng panganib ang bata kaya umiyak ito at sumigaw:
“Lola Tinang! Help!”
Biglang naglutangan ang snow globes sa hangin at isa-isang sumalpok sa ulo at katawan ng mag-asawang kawatan. Para bang may invisible hands na humahawak sa snow globes at ibinabato sa mag-asawa. Ang dalawa ay duguan bago nawalan ng malay. Ang ibang snow globes ay tumama sa mga bintanang salamin kaya narinig ito ng mga kapitbahay. Ang malakas na iyak ni Angel ang nagtulak sa kapitbahay na tumawag ng mga pulis.
“Lola Tinang helped me,” ito lang ang maikling sinabi ni Angel sa mga pulis habang pinapahid ang kanyang luha at sipon.
- Latest















