Mas mabigat, mas lalakas?
KAILANGAN nga ba sa pag-eehersisyo ang pagbubuhat ng mas mabibigat na dumbbell at barbell para lumakas? Ano ang kaibahan ng dumbbell na 20 pounds sa dumbbell na 40 o 60 pounds kung sa epekto nito sa katawan ang pag-uusapan?
Magkapareho lang ang epekto, ayon sa isang pananaliksik na pina-ngunahan ng kinesiology professor na si Stuart Phillips ng McMaster University sa Ontario, Canada. Nalathala ang resulta ng kanilang pag-aaral sa Journal of Applied Physiology at lumabas din sa Live Science.
Ayon sa naturang pag-aaral, pareho lang epektibo sa pagbubuo at pagpapalaki ng mga muscle sa katawan ang pagbubuhat ng magagaan at mabibigat na weight sa gym. Idiniin dito na ang susi sa ganitong ehersisyo ay buhatin ang weight (dumbbell man, kettle belle o barbell o kahit ‘yung mga bakal na plate na ginagamit sa ilang exercise machine na kailangang hilahin, buhatin o itulak ng kamay o paa) nang mas maraming beses para mapagod ang muscle na tulad ng nangyayari sa pagbubuhat ng mas mabibigat na weight.
Ipinahiwatig ni Phillips na ang mas mahalaga ay buhatin ang naturang mga weight nang maraming beses at paulit-ulit hanggang mapagod gaano man ang bigat o gaan nito.
Lumitaw sa naturang pag-aaral na magkapareho lang ang pagbabago sa muscle ng mga nagbubuhat ng mabibigat at magagaan na weight. Magkapareho rin ang paglakas ng kanilang mga muscle.
Malaking bagay aniya ang resultang ito ng pag-aaral sa mga karaniwang tao na gustong magpalakas ng katawan. Hindi na aniya kailangang magbuhat ng napakabigat na mga dumbbell at barbell na mahigit pa sa 40 pound halimbawa. Hindi problema kung 10 pound lang iyong binubuhat mo. Kailangan lang ulit-ulitin hanggang mapagod ka. Kaya huwag panghinaan ng loob kung nakikita mo ang ibang nakakapagbuhat ng weight na mahigit pa sa 50 pound. Ang mahalaga ay naiihersisyo ang katawan para maging malakas ka. Hindi kailangang maging weightlifter ka.
Sinuportahan din ng pag-aaral ng naturang grupo ng mga researcher sa Ontario ang ibang naunang kahalintulad na pag-aaral na nagsasabing magkapareho lang ang epekto ng magaan at mabigat na mga weight.
- Latest















