Propaganda
SA aspetong sikolohiya, ang propaganda ang palasak na instrumento ng sino man o anumang institusyon o organisasyon na merong pinapalaganap na adhikain. Sabi nga sa depinisyon nito ng Wikipedia, ang propaganda ay isang anyo ng komunikasyong merong kinikilingan at naglalayong itaguyod o siraan ang isang tao, institusyon, pamahalaan, pananaw, paniniwala o adyenda. Kakawing ito ng mekanismo ng sikolohiya na gustong impluwensiyahin at baguhin ang paniniwala o ugali ng isang populasyon patungo sa isang simulain, posisyon o adyendang pulitikal para sikaping makabuo ng mapagkakansunduan sa isang takdang paniniwala. Isa siyang klase ng impormasyon na tiyak na merong pinapanigan o kinikilingan at naghahangad na impluwensiyahan ang kaisipan ng mga tao. Hindi siya malayo sa brain-washing na isang katagang ikinakapit sa isang klase ng aktibidad na nagnanais hubugin ang kaisipan ng isang tao para sumunod sa isang paniniwala.
Isang halimbawa ng propaganda iyong mga sinusulat ni Jose Rizal at ng iba pang mga rebeldeng Pilipino noong panahon ng mga Kastila para mapatalsik sa bansa ang mga kolonyalista.
Marami namang klase ng propaganda. Merong masama. Meron ding mabuti. Kapag panahon ng eleksyon, tulad na lang ng kasalukuyang nagaganap sa ating bansa, malaganap ang propaganda na pabor o kontra sa isang kandidato. Merong propaganda na mapanira o pumupuri sa isang tao. Dahil nasa panahon tayo ngayon ng digital age, maging ang social media ay nagagamit sa pagpapalaganap ng anumang propaganda tulad sa Facebook na araw-araw na binabaha ng mga pahayag, impormasyon o litrato hinggil sa mga kandidato.
Nakakatulong naman ang propaganda para makilatis ng botante ang isang kandidato. Isa siyang paraan para maipakilala ng kandidato ang kanyang sarili sa mamamayan. Lalo na kung walang panahon ang isang botante na magsaliksik hinggil sa isang kandidato at umaasa na lang sa mababasa mo sa pahayagan, telebisyon at internet o sa sinasabi ng kanyang mga kakilala, kaibigan o kamag-anak. Kaso, meron ding propagandang mapanira at sa husay ng pagkakalahad ay nagiging kapani-paniwala. Ang tsismis ay nagiging totoo sa porma ng propaganda. Isa siyang klase ng minanipula o dinoktor na impormasyon para ipakita ang umano’y masamang katangian o katauhan ng isang kandidato.
Kaya napakahalagang kilatising mabuti ng sinumang botante ang kanyang iboboto bago siya magdesisyun sa isusulat niyang pangalan sa balota. Hindi dapat magpadala sa anumang propaganda laban man o pabor sa isang kandidato. Mas mainam sa isang botante kung pursigido at malakas ang paniniwala niya sa isang kandidato na anumang masamang propagandang kumakalat laban dito ay hindi na makakapagpabago sa kanyang desisyon. Pero, meron ding propagandang maaaring makakapagpabago sa pananaw ng isang botante lalo na kung matuklasan niyang hindi nararapat sa kanyang boto ang isang kandidato. Nasa botante na talaga ang desisyon kung sino ang kanyang pipiliin sa kabila ng nagkalat na mga propaganda.
- Latest















