Sir Juan (78)

“SINONG Mahinhin, Gringo?” tanong ni Sir Juan. Walang kamalay-malay si Gringo na pumapasok na siya sa plano ni Sir Juan.

‘‘Dancer dito yun Sir. Star dancer. Maganda. Estudyante.’’

“Talaga?’’

“Oo Sir. Nakunan ko na siya ng pictures. Ang daming posing. Mayroon pang nakabukaka.’’

Nagtawa si Sir Juan.

“Baka mayroon ka pang kuha, Gringo? Gusto ko ring makita.’’

“Teka Sir at titingnan ko sa cell ko kung narito pa ang files ng mga kuha ko.’’

Dinukot ni Gringo sa bulsa ang cell phone. Tiningnan kung naroon pa ang mga kuha kay Mahinhin. Wala na!

“Na-delete na Sir. Masyado kasing malalaking files ang pictures.’’

“Di bale Gringo. Sa sunod mo na lang ipakita sa akin.’’

“Opo Sir. At saka kukuhanan ko uli si Mahinhin.’’

“Talaga?’’

“Opo Sir. Yan nga ang misyon ko rito.’’

Napangiti na naman nang lihim si Sir Juan. Malapit nang kumanta si Gringo!

Napansin ni Sir Juan na wala nang laman ang bote ni Gringo. Binigyan pa uli niya ng isang bote si Gringo.

“Inom pa tayo, Gringo,’’ sabi ni Sir Juan.

“Parang lasing na ako, Sir.’’

“Lasing ka na agad?’’

“Pero kaya ko pa Sir. Masarap uminom kapag may kakuwentuhan, he-he!’’

“Oo nga. Sige inom pa tayo. Masarap ‘tong crispy pata tikman mo. Tamang-tama ang sarap ng sawsawang suka na maraming bawang.’’

Tuminidor si Gringo ng crispy pata at saka isinawsaw sa sukang may bawang at sibuyas. Isinubo.

“Sarap nga Sir,” sabi at saka sinundan ng tungga ng beer. Isa pang tungga at ubos ang laman ng bote.

Nang muling magsalita si Gringo ay ngamol na. Pero nagsisimula nang kumawala ang mga lihim kung bakit niya kinukunan ng pictures si Mahinhin.

Hindi na kailangang magtanong si Sir Juan. Kusang bumubukal sa bibig ni Gringo ang mga nakatago.

“Napag-utusan lang ako para kunan ng pictures si Mahinhin, hik! Di koh matanggihan yung nag-utos dahil type koh, hik. Super sexy kasi e hik. Pinakita na nga sa akin ang boobskie, hik.’’

“Sinong nag-utos sa’yo?’’ tanong ni Sir Juan

Napangiti si Gringo – ngiting lasing.

(Itutuloy)

Show comments