Tax exemption kay Pacman
PINAG-UUSAPAN ngayon sa Kongreso ang panukalang bigyan ng special tax incentive si boxing icon at Sarangani congressman Manny Pacquiao para sa nalalapit nitong laban sa Mayo.
Ayon sa panukala ni Senator Koko Pimentel, nais nito na mabigyan ng tax exemption si Pacman sa mga kikitain nito sa nalalapit na laban kay Floyd Mayweather Jr.
Ipinaliwanag ni Pimentel na magsisilbi itong pagkilala sa mga karangalang ibinibigay ni Pacman sa Pilipinas dahil sa libreng naikakampanya nito at naipakikilala ang mga Pilipino sa buong mundo.
Tiniyak naman ng liderato ng Senado na mahigpit na pag-aaralan ang nasabing panukalang tax exemption kay Pacman.
Matagal na ang nasabing panukalang tax incentive kay Pacman mula pa sa ilang mga kongresista subalit hindi ito nakalusot para maaprubahan.
Hindi na kailangang pag-aksayahan ng panahon ng mga senador at kongresista ang panukalang special tax incentive kay Pacman dahil hindi na ito kailangan.
Kung tutuusin, wala na talagang babayarang tax si Pacman sa ating bansa dahil ito ay tiyak na kakaltasan ng tax sa US. Kakaltasan ng 40 per cent na tax si Pacman sa kanyang laban kay Mayweather.
Dito sa bansa, 32 per cent lang ang ipinapataw na buwis ng gobyerno at dahil dito, awtomatilong wala nang babayaran na tax si Pacman dahil sobra na ang kanyang binayaran sa US. Batay sa tratado ng dalawang bansa ay isang beses lang ito magbabayad ng tax.
Dahil dito, hindi na kailangan ang special tax incentive kay Pacman. Ang gawin na lang ng mga senador at kongresista, bigyan ng moral support si Pacman upang manalo na malaking karangalan sa Pilipinas
Sa dami ng perang kinita ni Pacman, hindi na nito mararamdaman ang special tax incentive sa kanya. Baka mabatikos pa siya kapag nabigyan ng special na pagtrato sa buwis kaya makabubuting sa ibang paraan lang suportahan ang pambansang kamao.
- Latest