Publiko, dapat maging mabusisi sa bagyo

MARAMI sa mga kaba­bayan natin sa Kabisayaan ang takang-taka sa lakas ng buhos ng ulan dulot ng Bagyong Seniang.

Naging malakas din ang buhos ng ulan bukod sa ha­ngin at ang naging batayan ng ilan nating kababayan ay ang storm signal na ipinalabas ng PAGASA weather forecasting center.

Nagtataka ang ilan nating­ kababayan na bakit signal no. 1 lang ang deklarasyon ng PAGASA pero bakit napakalakas ng ulan sa kanilang lugar.

Nakasanayan na kasi ng ilan nating kababayan na ang pinagbabatayan kung dapat silang lumikas sa kanilang lugar o tahanan ay ang storm signal.

Pero ang nawawala sa isipan ng ilan nating kababayan lalo na sa probinsiya na may inilalabas na rainfall warning  o dami ng buhos ng ulan ang isang  bagyo.

Maaaring nakasanayan na kasi nating lahat na ang storm signal ang batayan kung malakas ang bagyo pero ito ay sumusukat lang sa lakas ng hangin at hindi sa buhos o dami ng ulan..

Panahon na upang maging mabusisi ang lahat ng mamamayan sa bawat babala  o anunsiyo na inilalabas ng PAGASA kapag mayroong bagyo.

Dapat ay laging kakambal na ang storm signal at rainfall warning sa pag-alam sa kalagayan at lakas ng bagyo na darating sa atin upang makaiwas sa anumang sakuna.

Sana sa panig ng PAGASA ay mas maging malinaw ang anunsiyo o babala na ibinibigay sa publiko upang makatiyak na maibibigay ang tama at sapat na impormasyon sa kinauukulan.

Show comments