^

Punto Mo

‘Mga babaeng ‘di susuko!’

- Tony Calvento - Pang-masa

KARANIWANG dumadapo ang sakit na ‘breast cancer’ at ‘ovarian’ o ‘cervical cancer’ sa mga kababaihan. Ayon sa ilang pag-aaral, ang kadalasang sanhi ng sakit na ito’y ‘genetic factors’ o   ‘environmental factors’.

Ramdam ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang hirap na pinagdadaan ng mga babaeng nakikipag­laban sa mga ganitong uri ng sakit. Mula sa pagkalagas ng buhok dahil sa chemotherapy, biglang bagsak ng katawan dahil sa iba’t ibang gamutan, kung iisipin mga pinagdadaanan nila… sa kanilang tapang, sila’y maituturing na mga babaeng ‘di susuko’t palaban. Kaisa ng programa sa radyo ng PCSO ang “PUSONG PINOY” ng DWIZ 882 KHZ. Umiere tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga. Hosted by Atty. Jose Ferdinand Rojas II o “Atty. Joy” –  General Manager ng PCSO at ni Monique Cristobal sa pagtulong sa mga kakabaihang tulad nila.

Isa na sa kanila si, Julieta Alvero, 55 taong gulang lumapit para sa gamutan ng kanyang sakit na Breast Cancer, Stage I-C. Walang asawa at walang anak, nagsosolo sa buhay si Julieta. Dati siyang nakatira sa Pateros at kasalukuyan siya ngayong nasa kapatid sa Cainta, Rizal. Disyembre 2013 ng ma-‘diagnose’ na meron siyang breast cancer. Nakaramdam ng pangingirot sa kanang dibdib (itaas na bahagi) si Julieta. Agad siyang nagpatingin sa doktor. Matapos ipa-ultra sound at i- mammogram, nakitang meron siyang maliit na bukol. “Kapag kinapa… mararamdaman mong may bilog na bukol talaga,” ani Julieta. Sabi ng doktor maaring nakuha niya ang sakit sa uri ng mga kinakain nito o kaya ay namana ito. “May mga kamag-anak akong may kapareho ko ng kundisyon,” ani Julieta. Inoperahan si Julieta at tinanggal ang kanyang kanang dibdib. Kinailangan niya i-chemotherapy, walong cycles. Nakakadalawa pa lang na cycles si Julieta at kailangan niya pa ng anim na cycles na aabot sa halagang 16-20,000 kada isa. Kahilingan niyang magpatuloy ang kanyang chemotherapy kaya’t nagpunta siya sa tanggapan ng “PUSONG PINOY”. “Sinasamantala ko po ang pagkakataon na ito na humingi ng tulong sa PCSO dahil sa hirap ng kalagayan ko ngayon ‘di ko matustusan ang aking pagpapagamot. Sana po ay maintindihan niyo. Samalat po…” ani Julieta.

Inilalapit naman ni Ella Fernandez sa PCSO ang kapatid na si Helen Ibarra, 59 anyos, may breast cancer din. May asawa si Helen at tatlong anak. Dating government employee si Helen subalit kinailangang niyang tumigil sa trabaho dahil sa kanyang karamdaman. Na-diagnose si Helen na may breast cancer nung Disyembre 2013. Nakapa niyang may bukol siya sa kaliwang dibdib. Nalamang cancerous ito dahilan para tanggalin ang kaliwang dibdib nito. Kasalukuyan ng suma­ilalim na sa chemotherapy itong si He­len. “Ang isa kong kapatid nagkaroon din ng breast cancer. Nasa lahi na ata namin,” ani Ela. Anim na cycles na chemotherapy ang kailangan pang tugunan ng kanilang pamilya. Nagkakahalaga ito ng Php30,000 kada cycle.  “Malaki na ang nagastos namin, umabot na din sa Php300,000 ang pagpapaopera niya…kaya med­yo gipit na kami. Sana matulungan niyo na ang kapatid ko para matapos niya ang chemotherapy para maka­balik siya sa trabaho niya…” ani Ella.

Karaniwang sakit ng kababaihan rin ang nilalapit ni Kahrina Zipagan, 30 taong gulang---may asawa. Enero 2014, ng maoperahan sa obaryo itong si Kahrina. Nalamang meron siyang Stage I, Ovarian Cancer.  “Sabi sa akin ng doktor, karaniwan daw dahilan ng pagkakaroon ng ovarian cancer ay nakukuha sa genes,” ani Kahrina. Disyembre nung nakaraan taon, nakaranas ng paninigas at sakit sa tiyan si Kahrina. Pagsasalarawan niya, parang tulad ito nang dysmenorrhea subalit higit na masakit. Unang beses niyang maranasan ito kaya’t nagsadya siya agad sa ospital. Nakitang may bukol sa kanyang ovary. Tinanggal ang bukol at nalamang cancerous ito. Kinailangang sumailalim si Karhina sa anim na cycles ng chemotherapy. Aabot ito sa Php60,000. Apat na cycles pa ang kailangan niya. Bagay na inihihingi niya ng tulong sa PCSO. “Sana po tulungan niyo ko sa aking kalagayan ngayon. Malaki pa po ang hinihingi kong tulong at sana mapagbigyan niyo po ako,” ani Kahrina.

Cervical Cancer naman ang sakit na dumapo sa 54 anyos na si Wilma Teaño taga Makati City. Disyembre 2013 isinugod siya sa Ospital ng Makati. Labing limang taon ng hiwalay sa asawa si Wilma. “Nag-iisa na po ako ngayon…Wala din naman po akong maasahan sa mga anak ko. Dati nagtitinda-tinda lang po ako ng kahit anong mapagkakitaan,” pa­hayag ni Wilma. Nakaranas ng pagdurugo (bleeding) si Wilma. Nalamang meron siyang myoma kaya niraspa siya sa Ospital ng Makati. Matapos i-biopsy nalamang may Cervical Cancer, Stage III-A siya. May mga asawa na ang anak ni Wilma, tumigil na din sa pag-aaral ang kanyang bunso kaya’t ‘di niya malaman kung paano matutus­tusan ang pagpapagamot. Kailangan niyang sumailalim sa Radiotherapy bago siya i-chemo. “Nagpunta po ako dito para matulungan niyo ko. Wala na po akong ibang matatakbuhan… Maraming salamat po,” ani Wilma.

Ilan lang sina Wilma, Kahrina, Ella at Julieta sa mga pasyenteng lumapit sa programa ng PCSO sa radio, ang “PUSONG PINOY”. “‘Wag ka­yong mag-alala ang sakit na kanser ngayon ay may lunas na. Walang sawa kaming tutulong dito sa PCSO para sa inyong chemotherapy at iba pang gamutan na inyong kakailanganin sa inyong paggaling. Manatili kayong positibo at palagi kayong magdasal,” pahayag ni Atty. Joy. Mapapakinggan ang kabuuang istorya nila Wilma at ng ilan pang pasyenteng lumalapit sa programang “PUSONG PINOY” sa tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga dito lang sa DWIZ 882 KHZ, AM BAND. SA GUSTONG LUMAPIT SA PCSO, para sa pangangailangang medikal pumunta lang sa tanggapang ng “PUSONG PINOY” sa address sa ibaba o tumawag sa kanilang mga numero… dahil sa programa ni Atty. Joy Rojas lahat ng lumalapit dito ay natututukan at nabibigyan ng mahalagang atensyon. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Cen­tre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038.

 

vuukle comment

CANCER

DISYEMBRE

JULIETA

KAHRINA

NIYA

PCSO

WILMA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with