EDITORYAL - ‘Special lane’ sa may-ari ng Asiatique
Rosalinda L. Orosa (Pang-masa) - April 10, 2014 - 12:00am

NAGKAROON na ng pagdinig ang Senado sa multi-milyong housing scam na kinasasangkutan ni Delfin Lee, realty developer at may-ari ng Globe Asiatique. Isinagawa ang pagdinig noong Martes at ginisa ang mga dating namumuno sa Pag-IBIG funds na pinangungunahan ni dating Vice President Noli de Castro na nagsilbi ring Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Lumabas sa hearing na binigyan ng “special treatment” si Lee kaya nakapag-takeout ito ng P7 bilyon sa Pag-IBIG. Ayon kay Sen. JV Ejercito, chairman ng Senate committee in urban planning, housing and resettlement na binigyan ng “special lane” si Lee. Kahit saan daw anggulo tingnan, kapuna-puna ang malaking take-out ni Lee kumpara sa ibang housing developers at naging madali ang pagkuha  ng bilyones gayung ang iba ay hindi. Sobrang malaki ang nakuhang pera sa Pag-IBIG at isiping ito ay pondo mula sa contributions ng taumbayan. Sabi naman ni De Castro, walang “specia­l treatment” kay Lee. Pero ayon kay Atty. Darlene Berberabe, CEO ng Pag-IBIG, nagkaroon ng “special arrangement” kay Lee noong 2009.

Lubhang naging kawawa ang mga taong kumuha ng bahay at lupa at Asiatique. Maraming nagbayad pero hindi nakapangalan sa kanila ang titulo. Nagkaroon ng double selling. Hindi lamang dalawa kundi tatlo ang nagmamay-ari sa bahay. Ayon sa isang babaing nalinlang na dumalo rin sa Senate hearing, binayaran niya ng cash ang bahay at lupa pero hindi naka­pangalan sa kanya ang titulo. Ang masaklap, pinaaalis pa siya ng Asiatique dahil hindi raw siya nakakabayad ng monthly hulog sa Pag-IBIG. Halos mapaiyak ang nalinlang ng Asiatique.

Palalimin pa ang imbestigasyon ukol dito. Tama rin ang suhestiyon ni Ejercito na itaas sa plunder ang kaso ni Lee. Dapat lamang ito sapagkat, maraming umasa na magkakaroon ng bahay at lupa pero nawala at sukat. Nawalang parang bula ang kanilang perang pinag-ipunan nang matagal.

ASIATIQUE AYON DARLENE BERBERABE DE CASTRO DELFIN LEE EJERCITO GLOBE ASIATIQUE HOUSING AND URBAN DEVELOPMENT COORDINATING COUNCIL PAG
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with