Pag inalis ang pork maraming mababago

IKINAKASA na raw ang people power para maalis na ang kontrobersiyal na Priority­ Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel. Sa Agosto 26 ay magkakaroon nang malawakang pagkilos ang iba’t ibang grupo para ma-pressure si President Noynoy Aquino na tanggalin na ang pork barrel.

Duda ako kung kakayanin ng protesta na maalis ang pork. Matatag ang paninindigan ng mga senador, kongresista at mismo ni P-Noy na huwag alisin ang pork sa kabila ng kontrobersiyang kinasasangkutan nito.

Nanawagan na ang Simbahang Katoliko sa pangunguna ni Cardinal Tagle para alisin ang pork barrel. Napaiyak pa si Tagle at sinabing dapat pumunta ang mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno sa mga lugar ng mahihirap upang makita ang dinaranas na kahirapan at nang makonsensiya sa ginagawang pagnanakaw sa pondo ng bayan.

Malabong maalis ang pork barrel dahil magmamatigas ang mga kongresista. Maaaring ang mga senador ay ma-pressure sa panawagan pero ang mga kongresista ay walang pakialam. Kahit pa araw-araw batikusin sa media ay hindi matitinag dahil mahalaga sa kanila ang pork. Malaki ang maitutulong para mapanatili sa kanilang posisyon.

Ang mga kongresista na wala namang ambisyon sa mas mataas na puwesto sa gobyerno ay asahan na maninindigan sa pork barrel samantalang ang iilan na may ambisyon ay posibleng ang mga ito ang magpa-pressure.

Sa ngayon, tanging ang ilang kongresista mula sa minorya sa pangunguna ng mga militanteng partylist groups ang nangu­nguna sa paglaban sa pork barrel na nagnanais na ito ay tuluyan nang alisin.

Kung maaalis ang pork barrel baka sa 2016 elections ay kakaunti na lamang ang kakandidatong senador at kongresista. Sa laki ng gastos, hindi na ito mababawi ng mga mambabatas. Asahan din na mababawasan na ang mga balimbing na mambabatas lalo na ang mga kongresista. Ang ilan ay nakagawian na kapag may bagong administrasyon ay agad na dumidikit na naglalayong makakuha nang malaking pondo at mabilis na maipalabas ang kanilang pork barrel.

Show comments