‘ATM card’
PARA sa mga taong gustong protektahan ang kanilang mga pera, banko ang pinagkakatiwalaang imbakan at taguan ng pera. Sa panahon ngayon, madali na para sa sino mang may bank account ang makapag-withdraw ng pera anumang oras nila naisin dahil nagkalat ang Automated Teller Machines (ATMs) sa mga establisimento at malls.
ATM card ang tawag sa plastic card na naglalaman ng mga detalye ng ipong pera ng may-ari nito para sa mas madaling pakikipag-transaksiyon. Naging talamak noon ang modus ng sindikatong may iba’t ibang diskarte upang alamin ang password ng ATM ng kanilang mga bibiktimahin upang pagnakawan.
Subalit sa ngayon, tila mas naging pangahas na ang estilo ng mga kolokoy! Dahil mismong mga ATM machine na ang target nila upang makakuha ng mga impormasyon mula sa card ng taong nagwi-withdraw. Hindi namamalayan ng pobreng biktima ang posibilidad na maaari silang pagnakawan sa sandaling ipasok ang kanyang card sa ATM machine.
Naglalagay ng skimming device sa mismong ATM machine ang sindikato sa likod ng pagnanakaw nito. Kapag ipinasok ng may-ari ang kaniyang ATM card, makokopya agad ang lahat ng detalye na posibleng gamitin upang maduplika at gamitin sa iba pang mga transaksiyon na hindi nalalaman ng biktima.
Hindi na bago ang ganitong uri ng modus sa buong mundo kaya naman nababahala ngayon ang mga lokal na banko dahil maging sa Pilipinas ay nakarating na ang sindikato sa likod ng paglalagay ng skimming devices sa mga ATM machines.
Paalala ng BITAG sa lahat ng aming mga tagasubaybay na maging listo at mapag-obserba sa ATM machines na maaaring may nakakabit na card readers o skimming device. Bago ipasok ang inyong card, tingnan munang mabuti at inspeksyunin ito upang maiwasang mabiktima ng ganitong modus sa ATM machine.
Subaybayan ang Pinoy U.S. Cops-Ride Along at BITAG tuwing Sabado sa PTV Channel 4, 8:30 at 9:15 ng gabi. Araw-araw na panoorin ang BITAG Live na sabay na mapapanood sa Aksiyon TV Channel 41 at mapapakinggan sa Radyo 5 92.3fm, araw-araw, 10:00 ng umaga hanggang 11:00 ng umaga.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa [email protected] o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing araw ng Miyerkules, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
- Latest

















