Reinkarnasyon
All Souls Day ngayon kaya pag-usapan natin ang tungkol sa mga kaluluwa.
Naniniwala ka ba sa reinkarnasyon? O ang paniniwalang sa ating pagpanaw, tanging ang katawan lamang ang mawawala subalit ang ating mga kaluluwa ay lilipat sa ibang “katawan” – maaaring tao o bagay depende sa “performance” ng kaluluwa sa nakalipas niyang buhay? May pagka-Law of Karma.
May moment ka ba na parang naiisip mong “siguro noong past life mo ay ganito ka, kaya ka ganito ngayon.” Halimbawa, ang nanay ko noon ay madalas kong maringgang siguro raw noong past life niya ay security guard siya o utility man. Kasi napakabait niya ngayon sa mga taong ito; as in malapit ang kaniyang kalooban sa kanila. Ako man noon ay may mga ganito ding pagkakataong naiisip ko kung ano kaya ako sa nakaraang buhay ko.
Naniniwala ka rin ba sa mga tinatawag na near-death experiences (NDE)? O yung mga taong “namatay na” at bilang mga kaluluwa na ay nakita ang kanilang mga katawan at nagawang bumalik sa mga ito at magkaroon ng buhay ulit? Napakaraming kuwento sa mga ganitong karanasan, pero posible kaya talaga?
Sabi nila ang NDE ay moment kung saan nagpa-flash sa iyo ang lahat ng naganap sa buhay mo. Sabi rin nila, bumabalik ang kaluluwa sa katawan dahil hindi pa tapos ang kanilang oras sa mundong ibabaw at pinabalik sila ng Diyos upang matapos ang plano para sa kanila. Turning point ito sa buhay ng mga nakakaranas dahil ani nila “They were sent back on Earth so they can go to God.”
Naniniwala ka ba sa langit at impiyerno? Sa tingin mo ba ay sa langit pupunta ang kaluluwa mo kapag natapos na ang buhay mo sa lupa? Naniniwala ka bang magre-reincarnate ka at katawan lang ang mawawala pero ang soul ay hindi kailanman? Ako oo. Naniniwala akong patuloy na mabubuhay ang aking kaluluwa ngunit hindi na rito sa lupa. Sa langit, umaasa akong doon ako pupunta. Naniniwala rin akong ang kaluluwa ko ay mabubuhay habambuhay sa tinatawag na Palasyo ng Panginoon.
Ngayong araw ng mga kaluluwa, ipagdasal at alalahanin natin ang ating mga minamahal na binawi na sa atin – na sana ay matahimik na ang kanilang mga kaluluwa at saan man sila naroon (sana sa langit) ay masaya sila. Gayundin ang mga indibidwal na labis ang naging epekto sa ating pagkatao – ang iniwan nilang legacy at marka sa ating puso’t isipan. Pati na rin ang mga taong buhay pa ngunit siguro’y sinusunog na ang mga kaluluwa sa impyerno sa mga kasamaang ginagawa nila sa kapwa. Na sana ay masagip pa ang kaluluwa nila. Let us pray for each other.
- Latest
















