50% student discount sa tren umarangkada na

MANILA, Philippines — Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na umarangkada na kahapon (Hunyo 20) ang pagpapatupad ng 50% na diskuwento sa pasahe sa mga linya ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, sapat nang magpakita ng valid school ID o proof of enrollment sa ticket booth upang makakuha ng diskuwento.
Sakop ng benepisyo hindi lamang ang mga nasa basic education at college level kundi pati na rin ang mga kumukuha ng master’s degree at law school.
“Magdadagdag tayo ng discount para sa lahat ng estudyante gamit ang LRT-1, LRT-2 at MRT-3. Yung dating 20% discount lang, inutos ng ating Pangulo na gawin itong 50%. Simula ngayong araw, 50 percent na ang discount ng ating mga estudyante. Tuluy-tuloy na ito,” pahayag ni Dizon.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang diskuwento sa mga single-journey tickets, ngunit tiniyak ni Dizon na malaking ginhawa ito sa libu-libong estudyanteng araw-araw sumasakay sa tren.
- Latest