Chinese vessel naispatan sa Catanduanes

MANILA, Philippines — Inihayag ng Armed Forces of the Philippines na naispatan ang hindi otorisadong presensiya ng isang research vessel ng China na ‘Shen Kuo’ sa karagatan sa Hilagang-Silangan ng Viga, Catan­duanes.

Batay sa ulat ng Tactical Operations Wing, Southern Luzon (TOWSOL) na nagsagawa ng maritime patrol noong Abril 27, ang naturang vessel ay naobserbahang nakadaong sa lugar at wala umanong tauhan sa main deck nito.

Nabatid na ilang beses din umanong sinubukang makipag-ugnayan ng TOWSOL sa pamamagitan ng regular na radio channels, ngunit bigo ang tropang makatanggap ng tugon mula sa kabilang panig.

Tiniyak ng AFP na mananatili silang mapagmatyag sa anumang hindi otorisadong research vessel sa maritime domain ng bansa.

Kaugnay nito ay inatasan nila ang mga kalapit na vessel upang paigtingin ang surveillance at pag-ulat  sa mga barko ng ibang bansa.

Nakikipag-ugnayan na ang AFP  sa mga ahensiya para sa kaukulang pagtugon at imbestigas­yon sa anumang ilegal na aktibidad sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) upang masiguro ang proteksyon sa karagatan ng Pilipinas.

Show comments