2 guro sa Iloilo, ‘di namatay sa heat stroke

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na ang napaulat na pagkamatay ng dalawang guro sa Iloilo ay hindi nauugnay sa heat stroke kundi dahil sa iba pang sakit.

“Ayon sa kinauukulang Schools Division Office, walang gurong namatay sa heatstroke,” sabi ng DepEd sa isang opisyal na pahayag.

Inilabas ng DepEd ang pahayag bilang tugon sa isang Facebook post na nagsasabing dalawang guro ang namatay sa heatstroke habang nagsasagawa ng mga klase.

“This post is highly inaccurate and misleading,” giit ng DepEd.

Base sa nakasaad na opisyal na tala, sinabi ng DepEd na isa sa mga guro nito sa Sta. Barbara ay pumanaw noong Pebrero 2024 dahil sa Hypertensive Cardiovascular Disease habang ang isa namang guro ay pumanaw noong Marso 2024 dahil sa Aneurysm.

“Sa parehong mga pagkakataon, ang mga guro ay naiulat na nasa bahay,” dagdag pa ng DepEd.

Nagpaabot naman ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng mga guro ang ahensya.

Una nang binigyan ng DepEd ng kalayaan ang mga local school heads at mga local government units upang i-adjust ang class schedules sa kanilang lugar o di kaya ay magsagawa ng blended o distance learning kung matindi ang nararanasang init ng panahon.

Show comments