4 sundalo dedo sa Maguindanao del Sur ambush

Ang bangkay ng apat na sundalo na nakalagak sa Maguindanao del Sur Provincial Hospital matapos na mapatay sa ambush ng mga teroristang Dawlah Islamiya.
John Unson

MANILA, Philippines — Patay ang apat na sunda­lo matapos na tamba­ngan ng mga pinaghihinalaang lawless Muslim groups  habang lulan ng behikulo sa kahabaan ng highway ng Tuayan 1, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur, kahapon ng umaga.

Ito ang kinumpirma ni Major Gen. Alex Rillera, Commander ng Army’s 6th Infantry Division (ID) at Joint Task Force (JTF) Central maga-alas-10:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar sa panahon aniyang inoobserbahan ng mga Muslim ang Ramadan.

Kinondena naman ni Rillera ang insidente ng pagpatay sa apat niyang mga tauhan na wala aniya sa combat mission nang paulanan ng bala sa lugar.

Hindi muna tinukoy ni Rillera ang pagkaka­kilanlan ng mga nasawing sundalo dahilan kailangan pang impormahan muna ang kanilang mga pamilya. Kabilang sa mga ito ay dalawang Private, isang Private First Class at isang Corporal.

Sinabi ni Rillera na ga­ling sa kabayanan ang mga sundalo at namili ng mga pagkain para sa kanilang pa “iftar” (pagkain ng mga nag-aayuno matapos na lumubog ang araw) sa mga kapatid na Muslim sa komunidad na nag-aayuno malapit sa patrol base ng mga sundalo.

Inihayag ni Rillera na sa tuwing Ramadan ay nakaugalian na ng tropa ng mga sundalo. na magsagawa ng ‘iftar’ sa mga sibilyang Muslim na prinoprotektahan ng mga sundalo.

Show comments