De Lima makalalaya, pinayagang makapagpiyansa

Dumalo kahapon si dating senator Leila de Lima sa pagdinig ng kanyang natitirang kaso sa droga sa Muntinlupa RTC na kung saan ay pinayagan na ito ay makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Pansamantalang maka­kalaya si dating Sen. Leila De Lima na halos pitong taon na pagkakulong sa kaso ng iligal na droga matapos na pagbigyan ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 206 na makapaglagak ng piyansa.

Sa naging pagdinig kahapon sa ikatlong kaso na may criminal case No. 17-167, ang mosyon ng senadora na makapaglagak ng piyansa ay pinayagan ni Judge Gener Gito, ang bagong hukom na may hawak ng kaso.

Una nang ibinasura ni Judge Romeo Buenaventura ang petition for bail na inihain ni De Lima.

Bago ang pagdinig nitong Lunes, dumagsa ang mga taga-suporta ng senadora sa labas ng korte na isinisigaw ang dala-dalang mga slogan na “Free Leila Now!”.

Ibinalik pa sa Camp Crame ang senadora para sa mga dokumentong dapat lagdaan.

Una nang naabswelto si De Lima sa dalawang kaso ng iligal na droga na nag-ugat sa aktibidad ng mga druglord sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa RTC noong 2021 at 2022.

Sa kautusan ng korte na may petsang Nobyembre 10, 2023, tig-P300,000.00 ang dapat na ilagak na piyansa ni De Lima.

Gayundin sina dating Bureau of Corrections (BuCor) director Franklin Jesus Bucayu, Ronnie Dayan, Joenel Sanchez, at Jose Adrian Dera.

Ayon sa legal counsel ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon, nakuha na nila ang release order mula sa korte.

Show comments