11 brgys. inokupa ng Maute

MANILA, Philippines -  Aabot sa 11 barangays ang inokupa ng mga terorista na kinabibilangan ng Brgys. Bangon, Saber, Tuca, Banggolo, Naga, Monkado colony, Caloocan, Marinaut, Mapandi, Matampay at Basak Malulut.

Samantalang bunga ng insidente ay nasa 800 residente ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan sa pagitan ng security forces at ng Maute terrorist group.

Dinukot din ng mga miyembro ng Maute terrorist group  ang isang parish priest, dalawa pang staff ng Simbahang Katoliko at iba pa na ang bilang ay aabot sa 10 matapos ang ginawa nilang paglusob sa Marawi City.

Kinilala ang kinidnap na pari na si Father Teresito Sucano, kura paroko ng Our Lady Help of Christians, dalawang staff ng simbahan na sina Wendelyn Mayormita, Kalihim ng simbahan,  isang tinukoy lamang sa pangalang Professor Nik-nik, Parish Council President.

Sa report na ipinarating kahapon ni Bishop Edwin dela Peña sa Army’s 1st Infantry Division (ID), naganap ang pagbihag kina Fr. Sucano habang nagno-novena sa nasabing simbahan dakong alas-6 ng gabi.

Sinasabing bukod kina Father Sucano ay binihag din ang dalawa pang working students na sina Ma. Luisa Colina at Crispina Banrang at mga deboto ng simbahan na ginawang ‘human shield’ ng Maute sa kanilang pagtakas sa tropa ng militar.

Samantalang bagaman may mga napapaulat na marami pang binihag na mga residente ang Maute terror group, sinabi ni Herrera na kasalukuyan pa nila itong beneberipika dahilan maraming mga pekeng ulat na bahagi ng propaganda ang ipinapakalat sa social media ng mga sympathizers ng naturang teroristang grupo.

Show comments