Mabuhay lanes murder
MANILA, Philippines - Sabog ang ulo at namatay noon din ang isang traffic enforcer ng Quezon City Hall matapos barilin ng isang security guard na nagalit dito nang tiketan siya dahil sa nahuling illegal na nakaparada ang motorsiklo habang nagsasagawa ng clearing operations sa Mabuhay Lanes kahapon ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Enrique Fresnido, 60, traffic enforcer ng Quezon City-Department of Public Order and Safety (QC-DPOS).
Nadakip agad ang suspek na si Alex Batacan, 39, security guard ng Sauyo Road, Brgy. Sauyo, Novaliches sa lungsod.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-7:35 ng umaga sa harap ng Paramount Bldg., na matatagpuan sa West Avenue, kanto ng Edsa, Brgy. Philam ay nagsasagawa ng clearing operation sa Mabuhay lane ang tropa ng Highway Patrol Group (HPG), MMDA, Barangay Philam at DPOS kasama si Fresnido laban sa mga iligal nakaparadang mga sasakyan nang matiyempuhan ang motorsiklo ng suspek na iligal na nakaparada sa harap ng tinatanuran nitong bangko.
Dahil iligal ang pagkakaparada ng motorsiklo ay nagpasya kunin ito, subalit pinigilan sila ng suspek kaya nagpasya na lamang na tiketan ni Fresnido ang suspek.
Hindi pumayag ang suspek kaya’t nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa kung kaya’t pinayapa ito ng mga kasama ng biktima.
Sa pag-aakalang tapos na ang problema ay nagulat na lang ang mga operatiba nang lumabas ang suspek ng bangko na may bitbit na kalibre 38 baril at pinaputukan ang biktima sa ulo.
Mabilis na dinala ang biktima ng mga kasama sa ospital, subalit makalipas ang ilang oras ay binawian ito ng buhay pasado alas-10:35 ng umaga.
Ang suspek ay inaresto at nahaharap sa kasong kriminal.
- Latest