Bomber, batang babae todas sa bomba,15 nasugatan

MANILA, Philippines - Kapwa lasog ang katawan ng isang lalaki na pinaghihinalaang bomber at isang 9-anyos na batang babaeng mag-aaral habang 15 pa ang nasugatan na karamihan ay mga estudyante nang sumabog ng wala sa oras ang dalang bomba ng una sa tabi ng isang  ele­mentary school sa Pontevedra, Capiz kahapon.

Ang nasawing bata ay kinilalang si Trina Rose Demayo, grade school pupil habang ina­alam pa ang pangalan ng nasa­wing lalaki na sinasabing may dala ng sumambulat na Improvised Explosive Device (IED).

Dinala sa pagamutan ang mga nasugatang biktima na karamihan ay mga elementary pupil sa Lantangan Elementary School.

Sa ulat ni Sr. Supt. Ulysses Caton, Provincial Director ng Capiz Police, dakong alas-12:20 ng tanghali nang maganap ang pagsabog sa labas ng nasabing eskuwelahan malapit sa barangay hall sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Lantangan.

Nabatid na breaktime sa nasabing eskuwelahan nang mangyari ang insidente habang mana­nanghalian ang mga guro at estudyante sa naturang eskuwelahan.

Sa inisyal na im­bestigasyon ng pulisya nakitang naglalakad ang nasabing lalaki patungo sa direksyon ng barangay hall na may dala ng backpack nang biglang sumambulat ang bomba na nakalagay dito kung saan nadamay ang mga ino­senteng  biktima.

 

Show comments