Kasera utas sa pamamaril

MANILA, Philippines - Isang 51-anyos na misis ang patay nang pagbabarilin ng isang lalaking nagkunwaring magre-renta ng kuwarto sa paupahan nito sa lungsod Quezon kamakalawa.

Si Efipania Cuya, biyuda ng Brgy. Balingasa ay hindi na umabot pa ng buhay  sa Quezon City General Hospital, bunsod ng tinamong tama ng bala sa kanyang dibdib, habang ang suspek na inilarawang may taas na 5’6, nakasuot ng ball cap at itim na jacket ay mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa pulisya ang insidente ay naganap sa unang palapag ng bahay ng biktima na matatagpuan sa no. 25-B Sto Cristo St., Brgy. Balingasa, ganap na alas 6:40 ng gabi.

Ayon kay Anthony Balagtas, isa sa nangungupahan sa lugar, naliligo siya nang dumating ang suspek at nagtanong sa kanya kung may bakanteng kuwarto pa sa nasabing lugar.

Upang makasiguro, nagpasya si Balagtas na tawagin ang biktima na nasa ikalawang palapag ng bahay. Sumilip naman ang biktima sa hagdan at tumingin sa ibaba, pero nang makita siya ng suspek ay bigla itong pinagbabaril. Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.

Show comments