Lumagok ng silver cleaner...Dalagita tigok

MANILA, Philippines - Tigok ang isang dalagita matapos lumagok ng silver cleaner sa loob ng kanilang tahanan sa Tondo, Maynila, kahapon ng tanghali.

Tumanggi ang mga magulang na paimbestigahan pa ang insidente dahil sa paniniwalang sadyang nagpakamatay ang 17-anyos nilang anak na itinago sa pangalang Lorna residente ng Sevilla St., Tondo.

Sa ulat ni PO3 Richard Limuco ng Manila Police District-Homicide Section, dakong  alas -11:00 ng tanghali kahapon nang makita na lamang ng kapamilya ang dalagita na nakalugmok sa loob ng kanilang bahay at sa tabi nito ay nakuha ang isang maliit na bote na naglalaman ng kemikal na silver cleaner.

Isinugod pa sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center  ang biktima subalit bigo ang mga doctor na maisalba dahil sa sobrang sunog na umano ang lalamunan at bituka nito.

Wala namang nais magbigay ng anumang pahayag ukol sa dahilan ng pagpapatiwakal ng biktima, kaya hindi pa batid ng mga awtoridad ang dahilan ng pagpapatiwakal ng dalagita.

Itinawag lamang ng security guard ng ospital sa MPD-Homicide Section ang insidente  at  tumatanggi ang mga kaanak ng biktima na siyasatin pa ito.

 

Show comments