Cone dumepensa para kay Brownlee

MANILA, Philippines — Dinepensahan ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone si Justin Brownlee matapos umani ng batikos sa dikit na 66-69 kabiguan nila kontra sa New Zealand sa pag-arangkada ng krusyal na second window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers kamakalawa sa Mall of Asia Arena.
“New Zealand did a really good job of doubling Justin, denying him touches. “People are going to point at the game and say he only had four points. But that was strictly through the game planning of New Zealand,” ani Cone kay Brownlee.
Natameme ang pambatong naturalized player sa apat na puntos lang tampok ang maalat na 2-of-10 shooting na lubusang ininda ng Nationals tungo sa masaklap na kabiguan sa harap ng home fans para sa 2-1 kartada sa Group A bago ang tangkang bawi kontra sa Australia bukas sa parehong venue.
Hindi rin nakaporma si Brownlee na kilalang sharpshooter mula sa tres nang mangitlog sa 0-of-4 clip sahog pa ang apat na turnovers bagama’t nagdagdag ng 6 rebounds, 2 assists, 1 steal at 1 tapal sa 33 minutong aksyon.
Bunsod nito ay hindi nakaligtas ang 37-anyos na si Brownlee sa ngitngit ng mga gigil na Pinoy fans na ang ilan ay sinabing panis na ito at kailangan ng mas batang pambato ng Gilas.
Para kay Cone, maganda ang ipinamalas ni Brownlee lalo sa depensa kay ace Tall Blacks na sina Max Darling at Jordan Ngatai na nagkasya lang sa 11 at 3 points, ayon sa pagkakasunod.
“Justin did a great job defensively,” paglilinaw ni Cone.
Subalit hindi ibig sabihin nito ay kuntento na si Cone rito lalo’t kaya sana nilang manalo matapos magliyab ang local crew sa pangunguna nina Dwight Ramos, CJ Perez at Juan Gomez De Liaño na pumukol ng 16, 15 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
“We needed another guy to step up, and CJ did, Dwight did, but when it came down to big plays, making a big shot, we weren’t able to do that at crucial times,” ani Cone.
- Latest

















