District One kampeon sa 3rd Leg Triple Crown

MANILA, Philippines — Umeksena sa karerahan ang District One nang biguin ang Vinalot Eyu sa 2025 PHILRACOM “3rd Leg Triple Crown Championship” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Puntirya ng liyamadong Vinalot Eyu ang korona sa 3rd Leg upang maihanay ang pangalan nito sa kasaysayan ng karera na naka sweep sa triple crown subalit sinalto ito ng District One.
Nasilayan ng mga karerista ang mahusay na pagdadala ni reigning back-to-back Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce nang parematehin nito ang District One bandang far turn.
Pang-pito sa largahan ang District One, hindi inapura ni Guce ang kabayo kahit malaki ang agwat sa kanila ng bumabanderang She’s So Fine at ang nasa pang-apat na Vinalot Eyu.
Pero nang kumuha ng bandera ang Vinalot Eyu bandang far turn ay pinagalaw na ni Guce ang District One at sa laki ng hakbang ay parang poste lang nitong nilampasan ang naghahangad ng sweep.
Pagsungaw ng rektahan ay nakuha na ng District One ang unahan at dumiretso na ito hanggang meta at manalo ng may apat na kabayong bentahe sa pumangalawang Transform.
Dumating na tersero ang Cole Is Right at pang-apat ang Vinalot Eyu sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nirehistro ng District One ang tiyempong 2:08 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ang P2.1M premyo, nakopo ng Transform ang second prize na P700,000, habang P350,000 at P175,000 ang nasikwat nina Cole Is Right at Vinalot Eyu, ayon sa pagkakasunod.
- Latest
















