Batang Manda hari ng Grand Copa De Manila

MANILA, Philippines — Tinipid ni class A rider Patricio Ramos Dilema ang lakas ng reigning Presidential Gold Cup Champion Batang Manda upang may ibuga pa sa rektahan kaya nasikwat ang korona sa katatapos na 2025 PHILRACOM “Gran Copa De Manila” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Dumiskarte si former Philippine Sposrtswriters Association (PSA) - Jockey of the Year, Dilema nang iharurot nito ang Batang Manda sa largahan pero mabilis na kinapitan sila ng King James.
Hindi naman inapura ni Dilema ang 2024 PSA-Horse of the Year, Batang Manda kaya isinunod na lamang nito sa King James habang nasa tersero puwesto naman ang Istulen Ola.
Pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay nasa unahan pa rin ang King James ng kalahating kabayo sa Batang Manda habang malapit na tersero ang Istulen Ola at nasa pang-apat ang Basheirrou.
Pero papalapit ng far turn ay aagaw na ng bandera ang Batang Manda habang lumalapit na rin ang Istulen Ola at liyamadong Jungkook.
Umabot sa apat na kabayo ang bentahe ng Batang Manda pagdating sa huling kurbada pero nagbigay ng magandang laban ang Jungkook ng lumapit ito sa rektahan.
Subalit masyadong malaki ang agwat ng Batang Manda kaya tinawid nito ang meta ng may isang kabayo ang lamang sa Jungkook, pangatlo ang Easy Does It at pumang-apat ang Istulen Ola.
Nilista ng Batang Manda ang tiyempong 1:38.4 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P600,000 premyo ng winning horse owner na si Benhur Abalos Jr.
Napunta sa Jungkook ang second prize na P200,000, nakopo ng Easy Does It ang P100,000 habang P50,000 ang naiuwi ng Istulen Ola.
- Latest