Arvin o Calvin?
Kung sakaling mapanalunan ni Arvin Tolentino ang Best Player of the Conference award, ito ay dahil sa nadala niya ang NorthPort sa semifinal round.
Ang siste, tumiklop si Tolentino sa semis at nalimitahan sa 12.8 points per game pagkatapos umariba ng 23.2 per outing mula elimination round hanggang quarterfinals.
Ang tanong eh okay na ba ang performance na iyon upang maibulsa niya ang BPC plum.
O magdedelikado pa ang kanyang asam kung makapagpakita ng maganda si TNT gunner Calvin Oftana sa parating na TNT-Barangay Ginebra finale?
Sa Game 4 ng PBA Season 49 Commissioner’s Cup finals kokoronahan ang eventual BPC winner. So may pagkakataon pa si Oftana na guluhin ang isipan ng mga kasali sa botohan – kapwa niya manlalaro at media members.
Mas maganda ang numerong nai-deliver nina June Mar Fajardo ng San Miguel Beer at Robert Bolick ng NLEX. Pero out sila sa BPC race dahil hindi nakaabot sa semifinals.
Kaya’t nauwi sa Tolentino versus Oftana ang labanan.
Kung maganda ang inilaro sa semis kontra Barangay Ginebra, sure win na sana si Tolentino.
Pero dahil tumiklop, nabigyan pa ng pag-asa ang posibleng come-from-behind win ni Oftana.
Kung sino man ang manalo eh first-time winner o bagong kasama sa elite list of PBA BPC winners.
- Latest