Ginebra, TNT gustong ikasa ang finals rematch

MANILA, Philippines — Magtatangkang mamuro ang Barangay Ginebra at TNT Tropang Giga para sa isa na namang finals rematch kontra sa kanilang mga katunggali sa krusyal na Game Tree ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven semifinal series sa Smart Araneta Coliseum.
May hawak na parehong 2-0 bentahe ang Gin Kings at Tropang Giga at kung magwawagi ulit ay makakalapit ng isang hakbang sa ikalawang sunod nilang finals duel matapos ang Governors’ Cup na pinagharian ng TNT.
Iyon ang hindi na papakawalan ng TNT ngayong alas-5 ng hapon kontra sa Rain or Shine pati na ng Ginebra laban sa NorthPort sa alas-7:30 ng gabi.
Nakalapit sa ambisyon ang Tropang Giga matapos maitakas ang 93-91 panalo kagaya ng dikit na 88-84 tagumpay sa Game One.
Ito ang dahilan kaya hindi basta-basta magpapakampante ang mga bataan ni coach Chot Reyes.
“This could have been easily 2-0 the other way. That’s how close the series is. We don’t feel we are up 2-0 at all and our approach for the next game is as if we do not have that kind of advantage,” ani Reyes.
Kabaliktaran naman ang sa Ginebra na dinomina ang unang dalawang laro kontra sa NorthPort, 115-93 at 119-106.
Subalit sa kabila nito ay walang balak magpaawat sa tagay ang Gin Kings ni coach Tim Cone lalo ngayong amoy na nila ang finals return.
Para sa Ginebra ay NorthPort pa rin ang No. 1 team at inaasahang papatunayan nila iyon sa mga susunod na laro.
Sa panig ng TNT, hindi magiging madali ang 3-0 kartada kontra sa Rain or Shine lalo’t nadale ng patellar tendon tear injury ang ace guard na si Jayson Castro.
- Latest