Lady Chiefs pinosasan ang Lady Altas

MANILA, Philippines — Humambalos si Pauline De Guzman ng 17 points upang akbayan ang Arellano University Lady Chiefs sa 22-25, 25-23, 25-19, 25-12 panalo laban sa Perpetual Help Lady Altas sa NCAA Season 99 women’s volleyball na nilaro sa Filoil EcoOil Arena, kahapon.

Matapos masugatan sa first set ay lumabas ang bangis ng Lady Chiefs, kinahon ang tatlong sunod na panalo sa set 2, 3 at 4 upang ilista ang 4-3 karta at saluhan ang biktima sa two-way tie sa No. 5.

Bukod kay De Guzman, umiskor din sina Laika Tudlasan, Fhaye Ma­ngubat at Harem Ceballos ng 16, 14 at walong puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Arellano na malaki ang tsansa na makasampa sa Final Four.

Ayon kay Head coach Obet Javier, marami siyang players na ginamit upang mabatak ang mga ito at maihanda sa mga mas malalaking bakbakan.

“Kailangan ko talaga gumamit ng ibang players kasi may mga galing naman sila tulad ni Ceballos, magaling yung bata kaya sinugal ko si Ceballos,” ani. Javier.

Show comments